“MAHIGIT 1 TONELADA”3 VAN NA FULLY LOADED NG SHABU NASABAT SA QUEZON

frontpage online news - Nasakote ang 10 kalalakihan na sakay ng 3 van kung saan may kargang tone-toneladang pinaghihinalaang shabu sa isang police checkpoint sa Infanta Quezon (Photo from Infanta Vice Mayor LA Ruanto Facebook)
Nasakote ang 10 kalalakihan na sakay ng 3 van kung saan may kargang tone-toneladang pinaghihinalaang shabu sa isang police checkpoint sa Infanta Quezon (Photo from Infanta Vice Mayor LA Ruanto Facebook)

Sonny T. Mallari 

LUCENA CITY – Tatlong van na puno ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa bayan ng Infanta sa lalawigan ng Quezon martes ng madaling-araw.

Ayon sa inisyal na impormasyon ni Lt. Colonel Joel Villanueva, Quezon police director, naharang ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police and militar ang tatlong sasakyan sa checkpoint ng pulisya sa Barangay Comon bandang alas kuwatro ng madaling-araw.

Sampung lalaki na pawang pasahero ng tatlong van ang inaresto ng tropa at kasalukuyang sumasailalim sa masusing interogasyon.

“Malaking huli ito,” ani Villanueva sa phone interview ng Frontpage. 

Wala siyang ibinigay na ispesipikong timbang ng mga natimbog na shabu dahil inilipat sa tanggapan ng NBI-Rizal ang iligal na droga para sa kaukulang dokumentasyon.

Ngunit batay sa report ni Infanta Vice Mayor LA Ruanto sa kanyang Facebook page, tinatayang nasa mahigit na isang tonelada ang timbang ng nasabat na shabu.

Nanawagan si Ruanto sa mga Infantahin na maging mapagmatyag sa kanilang mga komunidad. 

“Kung may mga impormasyon at kaalaman upang matunton ang pinanggagalingan ng ganitong mga kontrabando, ipagbigay alam agad sa ating mga otoridad,” ani Ruanto. 

Malaki aniya ang posibilidad na mula sa Pacific Ocean ang nasabat na iligal at tinangkang ipuslit palabas ng Quezon.

Noong 2001, nasabat din ng mga awtoridad sa highway sa karatig na bayan ng Real ang isang ambulansya na may kargadang 503 kilong shabu at nagkakahalaga noon ng mahigit P1 bilyon.

Inaresto ng mga awtoridad si dating Panukulan Mayor Ronnie Mitra at ang kanyang mga security aides na kasamang bumibiyahe ng shabu.

Ang bayan ng Panukulan ay isa sa mga munisipalidad na kabilang sa Polillo group of island sa Pacific Ocean sa hilagang bahagi ng lalawigan.

Noong 2008, nakarekober din ang pulisya ng 70 kilos ng shabu sa isinagawang raid sa isang shabu factory ng bayan ng Real. Ang nakumpiskang iligal na droga ay nagkakahalaga ng P300 milyon noon.