ANIM NA TAONG NAGTAGO, OFW ARESTADO SA KASONG RAPE

frontpage online news - Inaaresto si Bathan ng Sta Teresita police sa kasong rape matapos ang anim na taong pagtatago (photo from BPPO)
Inaaresto si Bathan ng Sta Teresita police sa kasong rape matapos ang anim na taong pagtatago (photo from BPPO)

Arnell Ozaeta

Matapos ang anim na taong pagtatago, naaresto na rin ang 61-anyos na OFW dahil sa kasong rape sa isinagawang police operasyon ng Sta Teresita Municipal Police noong March 16.

Kinilala ang akusado na si Valiente Bathan, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Tambo Ibaba, Sta. Teresita, Batangas at tinaguriang Rank 2 Most Wanted Person-Batangas Level.

Bandang alas 6:20 ng umaga nang isilbi ang warrant of arrest kay Bathan sa Sitio Balagbag, Brgy. Poblacion 1, Sta. Teresita, Batangas.

Inaresto si Bathan sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court, Fourth Judicial Region ng Taal, Batangas na iniisyu noong Oktubre 8, 2015 sa kasong panggagahasa at walang kaukulang piyansa.

“Maging maingat po tayong lahat at higit po nating pangalagaan ang mga kababaihan laban sa mga sekswal na pang-aabuso. Huwag po kayong mag-atubili na magsumbong agad sa pinakamalapit na istasyon ng pulis para maaksyunan ang anumang impormasyon hinggil sa mga wanted person na makikita ninyo sa inyong lugar. Sinumang may pananagutan sa batas ay dapat lamang pagbayaran ito.” – ani PCol Glicerio Cansilao, Batangas Police Director.