10 KATAO SABIT SA CAVITE BARANGAY CHAIRMAN MURDER

frontpage online news - Hustisya ang sigaw ng pamilya ni Jaime Alamo matapos itong pagbabarilin sa Bacoor, Cavite (photo from Abigail Alamo facebook)
Hustisya ang sigaw ng pamilya ni Jaime Alamo matapos itong pagbabarilin sa Bacoor, Cavite (photo from Abigail Alamo facebook)

Ylou Dagos

Sampung katao ang kasama sa talaan ng pulisya na anya ay mga person of interest sa pagkamatay ng isang Brgy.chairman sa Bacoor City, Cavite noong Linggo ng gabi.

Sinimulan ng binuong Special Investigation Team ang pagkakakilanlan sa 10 indibidwal na posibleng sangkot sa pagpatay kay Barangay Chairman Jaime Alamo ng Barangay Panapaan.

Kabilang sa mga posibleng anggulo na sinisilip ng pulisya sa motibo ng pagpatay sa biktima ay ang away sa lupa, trabaho, personal na alitan, at iba pang isyu sa housing association.

Ang biktima ay barangay captain ng Panapaan 8, Meadowood, Bacoor City at pangulo ng Tricycle Operators-Drivers Association (TODA).

Sa pahayag ng isang opisyal ng Bacoor City police, iiniimbestigahan na nila anya ang ilang indibidwal at nagsasagawa ng re-tracking investigation.

Nangangalap pa rin ang pulisya ng mga kuha ng CCTV sa lugar at sa mga dinaanan ng mga suspek para matukoy kung sino ang mga ito.

Si Alamo ay pinagbabaril ng mga suspek na lulan ng dalawang motorsiklo habang ito ay sakay sa kanyang kotseng Toyota Wigo sa kahabaan ng Niog Road,Barangay Niog 2, Bacoor City, Cavite dakong alas 7:40 Linggo ng gabi.

Nanawagan naman ng tulong ang anak nitong si Abigail Alamo para makamit ang hustisya.

“Kami po ay humihingi ng tulong sa sinuman pong makakapag turo sa pumatay sa aming ama., sya po ay pinaslang nuon March 13 2022, around 7pm to 7:30pm sa tapat ng alfa mart niog, baka po my dash cam po kau at napadaan po kau sa lugar naun, umasa po kaung proprotektahan namin kau. Tulungan nio po kaming makamit ang hustisya na nararapat sa knya. Alam ng lahat kung gaano kabait ang ama ko, di ko po lubos maisip qng bakit ganun ganun lang nila bawiin ang buhay ng aking ama,” banggit ni Abigail sa kanyang facebook post.