2 TAON NA COVID-19 PANDEMIC1 NURSE PATAY, 426 HCW ANG TINAMAAN NG COVID SA ISANG OSPITAL SA QUEZON

frontpage online news - Pinasimulan na rin sa lalawigan ng Quezon ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taon. (photo from Quezon PIO)
Pinasimulan na rin sa lalawigan ng Quezon ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taon. (photo from Quezon PIO)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Sa loob ng nakaraang dalawang taong pandemya ng COVID-19, isang nurse ang namatay at 426 naman na health workers ang nahawahan ng coronavirus sa Quezon Medical Center (QMC) sa siyudad na ito.

Sa pinakahuling record na ibinigay sa Frontpage ni Dr. Rolando Padre, QMC director: 78 doctors, 169 nurses, 49 nursing aides, 14 midwives, 20 porters at encoders, 72 hospital administration staff, 6 radiologic technicians at 18 medical technologists ang nagkaroon ng COVID-19 impeksyon sa kanilang ospital.

Ayon pa kay Padre, isang nurse rin mula sa QMC ang namatay dahil sa COVID-19.

Gayunpaman, sinabi ni Padre na malayo na sa panganib ang mga manggagawa sa QMC dahil sa patuloy na pagbulusok pababa ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 na nagpapagamot sa ospital.
 “As of March 17, isa na lang ang kumpirmadong COVID-19 patient.
Hinihintay pa ang swab test result ng isa pang pasyente,” ang text message ni Padre sa FP Biyernes ng umaga.

Ang QMC ay isang ospital ng gubyerno na nasa ilalim ng administrasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.

Idineklara ng World Health Organization ang COVID-19 bilang isang
pandemya noong March 2020.

Sa mga nakaraang panayam, sinabi ni Padre, isa rin sa mga nahawahan ng COVID-19, na ang karamihan sa QMC health workers na nagkaroon ng impeksyon ay mga fully vaccinated at ang iba naman ay tumanggap na rin ng booster shot noong mayroon na nito.

“Hindi naospital”

Aniya, marami sa mga health care workers na nahawahan ng coronavirus ay hindi nangailangan ng hospitalisasyon  at nanatili na lang sa kanilang bahay o isolation area ng pamahalaan hanggang sa gumaling muli.

Noong pagsisimula ng pandemya ay nirentahan ng pamahalaang panlalawigan ang dalawang hotel sa Lucena City at ginawang isolation at quarantine facilities para sa mga mangggawa sa QMC na nahawahan ng COVID-19.

Ayon sa isang health worker na nagkasakit ng COVID-19, madalas ay nahahawahan sila ng virus ng mga pasyenteng gustong magpagamot sa QMC.

“Hindi sila nagtatapat ng kanilang tunay na kalagayan sa inisyal na konsultasyon. Ipinaglilihim nila kahit na mayroon na silang nararamdamang sintomas,” ang paliwanag ng health worker na humiling na huwag siyang pangalanan sa report.

Dagdag pa ng impormante: “Natatakot ang mga pasyente sa stigma ng isang nagkakaroon ng COVID-19”.

Sa pinahuling ulat ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) noong March 17, ay may kabuuang 32,821 kaso ng COVID-19, 31,240 naman ang gumaling at 1,558 ang namatay sa buong lalawigan simula noong pumutok ang pandemya.

Sa huling datos ay 23 na lang ang active COVID-19 cases sa lalawigan at bumaba ito mula sa 1,805 kabuuang aktibong kaso noong January 21.

Sa 41 munisipalidad sa Quezon ay siyam na bayan at dalawang siyudad na lang ang may natitirang pasyente na nahawahan ng COVID-19 at 30 lokalidad naman ang maituturing na “COVID-19 free”.

“Quezon, Level 2; Lucena, Level 1”

Ngunit sa kabila ng dramatikong pagbaba ng bilang ng mga may COVID-19 sa lalawigan ay nabigo itong makasama sa listahan ng mga lugar sa buong bansa na nasa ilalim ngayon ng maluwag na Alert Level 1.

Noong Marso 15 ay idineklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 48 lugar sa bansa, kabilang ang Lucena City, ang kapital ng Quezon, na mapapasailalim ng Alert Level 1 hanggang Marso 31.

Ang Lucena City ay itinuturing na “highly classified city” kaya hiwalay ang kanyang klasipikasyon sa alert level status.

Ang Tayabas City at 39 pang bayan sa lalawigan ay patuloy na mananatili sa Alert Level 2 hanggang katapusan ng buwan.

Batay sa kundisyon ng IATF, kinakailangang 80 porsyento ng mga senior citizens sa isang lokalikad at 70 porsyento sa target na populasyon ay dapat “fully vaccinated” o may dalawang turok na ng COVID-19 vaccines bago ilagay sa Alert Level 1 ang lugar.

Inamin ni Governor Danilo Suarez na hindi pa naaabot ng lalawigan ang mga inilatag nn mga kundisyones ng IATF tungkol sa bilang ng mga bakunado.
 “Marami pa ring senior citizens ang ayaw magpabakuna, siguro dahil sa takot,” ang sabi ni Suarez sa phone interview ng FP.

Sa paliwanag ng gobernador, ang malawak na nasasakupan ng lalawigan kasama ang mga malalayong islang-bayan ay nagigiging dahilan din sa mababang tala ng mga bakunadong mamamayan.
“Kinakailangang mapuntahan din ng ating mga health care workers ang mga malalayong lugar upang dalhin ang vaccines at maturukan sila,” sabi pa ni Suarez.

Muling nanawagan si Suarez sa mga mamamayan ng lalawigan na magpaturok ng COVID-19 vaccines para sa kanilang pansariling kaligtasan gayun din ang kanilang mga komunidad.

“Wag maging kampante”

Samantala, nanawagan naman si Lucena Mayor Roderick Alcala sa mga residente ng siyudad na patuloy na mag-ingat kahit na bumaba na sa Alert Level 1 ang lunsod.

“Hindi porke nasa Alert Level 1 ay puwede nang maging kampante. Kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang mahadlangan ang posibleng muling pagdami ng mga mahahawahan,” ang pagbibigay-diin ni Alcala sa panayam ng FP.
“Ipagpatuloy natin ang pagsusuot ng face mask,” ang panawagan ni Alcala.

Ang Lucena ay may apat na lang na aktibong kaso ng COVID-19 sa report ng city health office noong March 17.

Subalit inamin ni Alcala na patuloy na mahaharap sa problema ang siyudad dahil ang buong Quezon maliban sa Lucena ay mananatiling nasa ilalim ng Alert Level 2.

“Andito sa lunsod ang sentro ng mga negosyo sa lalawigan. Maraming mga taga-ibang bayan ang araw-araw na dumadayo sa Lucena sa iba’t ibang kadahilanan. Kaya, talagang nararapat na magpatuloy ang ating pag-iingat,” ang paalala ng city mayor.