MAY “PERSONS OF INTEREST” NA SA NABIGONG PAGPATAY KAY MAYOR AMERICA – PNP

frontpage online news - Mayor Filipina Grace America ng Infanta, Quezon (photo from Facebook)
Mayor Filipina Grace America ng Infanta, Quezon (photo from Facebook)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – May mga suspek na o “persons of interest” ang pulisya sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon sa nabigong pagpaslang sa punong-bayan ng Infanta, Quezon nitong nakaraang buwan.

Sa pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos, sinabi nito na may nakalap na mahalagang ebidensya ang Special Investigation Task Group “America” mula sa closed-circuit television (CCTV) footage na nagpapakita ng posibleng bumaril at ang mga kasamahan nito.

Ang pahayag ni Carlos ay nakapost sa Facebook page ng PNP araw ng Huwebes.

Ayon pa kay Carlos, may sinumpaang salaysay na ang apat na testigo na posibleng makapagbigay ng dagdag pang imporyasyon sa hinihinalang partisipasyon ng mga “persons of interest” sa insidente ng pamamaril kay America.

Si Mayor Filipina Grace America ay ay pinaulanan ng putok ng isang lalaki na may baril na kalibre 45 habang sakay ang alkalde sa sasakyan ng pamahalaan, Chevrolet Trailblazer sa Barangay Poblacion 1 bandang 11:15 ng umaga noong February 27.

Ang biktima ay katatapos lang na umatend ng religious service sa katabing kapilya ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) kasama ang kanyang personal assistant at empleyado ng munisipyo na si Vergie Borreo at tsuper na si Alvin America nang ratratin siya ng putok.

Mabilis na tumakas ang lalaki pagkatapos ng pamamaril.
Narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang dalawang slugs at anim na basyo ng bala.

Sa ulat ng pulisya, balak na todasin si America sa isinagawang pamamaril.

“Quarry o pulitika?’

Ayon kay Col. Joel Villanueva, Quezon provincial police chief, nakatutok din ang mga imbestigador sa isyu ng quarry sa Infanta bilang isa sa posibleng motibo sa tangkang pagpatay kay America.
“Oo, isa yan (quarry) sa tinitingnan namin na posibleng motibo,” ani Villanueva sa phone interview ng Frontpage araw ng Huwebes.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng SITG “America”, sabi pa ni Villanueva.

Si America ay kilala bilang mahigpit na tumututol sa quarry operation sa kanilang bayan.

Ngunit noong Marso 11, iginiit ni America na ang tangkang pamamaslang sa kanya ay dahil sa “pulitika”.

“Naniniwala ako na walang ibang dahilan kung bakit nangyari ito at ito ay dahil sa pulitika,” ang pahayag ni America sa panayam ng isang lokal na istasyon ng radio sa Infanta mula sa kanyang kwarto ng ospital na hindi binanggit kung saan para sa kanyang proteksyon.

Pagbibigay-diin pa ni America: “Uulitin ko. Ito ay nangyari dahil sa pulitika. May sarili akong batayan na masasabi kong ito ay dahil sa pulitika.”

Wala namang binanggit ang 60-anyos na alkalde na anumang pagkakakilanlan sa sinuman na magtatangka sa kanyang buhay dahil sa pulitika.

Ang video clip ng interview ay nakapost sa Facebook page ni America.

Niliwanag ni Villanueva na lahat na posibleng anggulo at motibo ay kanilang iniimbestigahan.

Sa pahayag ni Carlos ay niliwanag niya: “We are still in the process of determining how much of politics can really be involved in this slay try. Our coordination with the Commission on Elections regarding this incident is constant so as to identify the climate of violence that may persist in the area.”

“Hindi ‘staged drama’”

Si America ay muling kumakandidato bilang alkalde sa kanyang ika-tatlong termino sa ilalim ng Nacionalista Party kalaban ang dalawa pang kandidato.

Sinabi ni America na hindi biro ang inabot niyang hirap sa gamutang isinagawa sa kanya pagkatapos na pagtangkaan ang kanyang buhay. Hindi rin aniya yun isang “staged drama” upang kaawaan siya.

“Apat na bala ang tumama sa akin,” ang sinabi pa niya.
Ayon sa punong-bayan, tinamaan siya sa baga malapit sa kanyang gulugod, braso, balikat, at malapit sa kanyang bibig.

Siya raw ay nasa maayos nang kalagayan at nangangailangan na lang ng patuloy na rehabilitasyon upang makabalik na sa kanyang tungkulin sa lokal na pamahalaan Inilarawan niya ang pagkakaligtas sa tangkang pagpatay na isang “true miracle”.