BAYBAYING-DAGAT SA QUEZON BABANTAYAN; GOV. SUAREZ SA LGU OFFICIALS: WAG SUMANGKOT SA ILIGAL NA DROGA

frontpage online news - Tinatayang nagkakahalaga ng P11 bilyon ang 1.5 tonelada ng shabu na nasabat ng puwersa ng pamahalaan sa Infanta, Quezon. Ang natimbog na iligal na droga ang pinamalaking huli ng shabu sa buong bansa. (Photo from NBI Facebook)
Tinatayang nagkakahalaga ng P11 bilyon ang 1.5 tonelada ng shabu na nasabat ng puwersa ng pamahalaan sa Infanta, Quezon. Ang natimbog na iligal na droga ang pinamalaking huli ng shabu sa buong bansa. (Photo from NBI Facebook)
frontpage online news - Colonel Joel Villanueva, Quezon police director (Photo from Quezon PNP Facebook)
Colonel Joel Villanueva, Quezon police director (Photo from Quezon PNP Facebook)
Governor Danilo Suarez ng lalawigan ng Quezon (Photo from Quezon PIO)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Dahil sa tangkang pagpupuslit ng 1.5 na tonelada ng shabu sa karagatan na nasasakop ng Quezon, muli na namang mahigpit na babantayan ng mga awtoridad ang mahabang baybaying dagat ng lalawigan.

Sinabi ni Police Col. Joel Villanueva, Quezon police director, na inatasan niya ang kapulisan sa 34 na bayan na mahigpit na bantayan ang kanilang nasasakupang baybaying dagat upang mahadlangan ang anumang pagtatangkang makapagpuslit ng iligal na droga.

“Kailangang isangkot ng kapulisan ang buong kumunidad at kunin ang kooperasyon ng mga mamamayan upang hindi makapasok ang iligal na droga,” ani Villanueva sa panayam ng Frontpage.

Binalaan naman ni Gov. Danilo Suarez ang mga lokal na opisyal sa lalawigan na huwag sumangkot sa sinumang magpupuslit ng iligal na droga o anumang labag sa batas na gawain para matustusan ang kagastusan ngayong panahon ng eleksyon.

Humihiling din si Suarez sa NBI at Philippine National Police (PNP) na alamin din sa isinagawang imbestigasyon ang posibilidad na may kinalaman ang ilang tiwaling opisyal ng alinmang lokal na pamahalaan sa tangkang pagpupuslit ng shabu sa bayan ng Infanta.

Nanawagan ang gobernador sa publiko na aktibong makisangkot sa mga awtoridad laban sa muling pagpupuslit ng iligal na droga sa lalawigan.

“Bilang mga responsableng mamamayan, ang sinumang may impormasyon tungkol sa iligal na droga ay kinakailangang agad na magreport sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan,” ani Suarez sa panayam ng Frontpage.

Dagdag pa niya: “At kung nangangamba, puwede akong sadyain sa aking tanggapan upang aking matulungan at maproteksyunan”.

“P11B shabu; pinakamalaking huli sa bansa”

Noong madaling-araw ng March 15, tatlong Nissan van na puno ng shabu ang nasakote ng mga awtoridad sa checkpoint ng pulisya sa Barangay Comon sa Infanta.

Ayon kay Senior Agent Eliezer Salcedo, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI)-Quezon, ang dalawa sa tatlong van ay agad na tumigil sa checkpoint. Ang isa ay nagtangka pang tumakas subalit agad na naharangan ng tropa.

Ang operasyon ay ikinasa ng NBI Intelligence Service and Task Force on Anti-illegal Drug.

Agad na nakipag-ugnayan si Salcedo kay Villanueva upang makapaglatag ng checkpoint sa posibleng ruta na dadaanan ng mga
sasakyang may lulan ng puslit na shabu.

Ayon sa report ng NBI, ang mga nasakoteng shabu na nakabalot sa mga tea bags na may mga letrang Intsik at tinatayang nagkakahalaga ng P11 bilyon ay itinuturing na pinakamalaking bulto ng natimbog na iligal na droga sa kasaysayan ng bansa.

Sampung lalaki na pawang pasahero ng tatlong van ang inaresto ng magkakasanib ng tropa ng NBI, pulis at militar at kasalukuyang sumasailalim sa masusing interogasyon.

Ang mga nasakote ay kinilalang sina Jaymart Gallardo, 29, residente ng Quezon City; Alvin Ibardo, 41, Antipolo City; Mark Brian Abonita, 26, Kennedy Abonita, 24, Dante Mañoso, 35, Marvin Gallardo, 39, Eugene Bandoma, 38, Jenard Samson, 29, Reynante Alfuerto, 42, at Jamelanie Samson, 34, pawang naninirahan sa bayan ng Tanay, Rizal.

Ayon kay NBI special agent Omar Orille, ang shabu ay nagmula sa isla ng Alabat sa ika-apat na distrito ng Quezon. Ibiniyahe ang droga sa pamamagitan ng yate at bangkang de motor patungo sa grupo ng isla sa Polillo at doon sinambot ng mga suspek.
Idinaong naman ng mga suspek ang kargamento sa baybayin ng Infanta at inilulan ito sa tatlong van.

Hindi naman binanggit sa report ng NBI kung saan ang dadalhin ang mga nasabat na shabu.

“Transshipment point”

Ang nabulilyasong pagpupuslit ng malaking bulto ng shabu sa Infanta ay isang indikasyon na muli na namang ginagamit ang Pacific Ocean sa parte ng Quezon bilang isang “transshipment point” ng ipinagbabawal na gamot.

Ang 1,066-kilometrong pampang ng dagat sa Quezon ay nakilala na noon bilang bagsakan ng puslit na iligal na droga partikular ang shabu at cocaine na kinasangkutan ng mga Intsik at sa isang pagkakataon ay lumahok din ang isang lokal na opisyal sa lalawigan.

Tatlumpu’t apat sa 41 na lokalidad sa lalawigan ay nasa tabing-dagat – 17 sa Lamon Bay sa Pacific Ocean, 12 ay sa Tayabas Bay sa China Sea at lima naman sa Ragay Gulf.

Noong August 2000, nasakote ng tropa ng estado ang anim na Intsik sa tangkang pagpupuslit ng 365 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P730 million sa bayan ng Sariaya sa aplaya ng Tayabas Bay.

Nang sumunod na taon, nasabat din ng mga awtoridad sa highway sa bayan ng Real katabi ng Infanta ang isang ambulansya na may kargadang 503 kilong shabu at nagkakahalaga noon ng mahigit P1 bilyon.

Inaresto ng mga awtoridad si dating Panukulan Mayor Ronnie Mitra at ang kanyang mga security aides na kasamang bumibiyahe ng shabu.

Ang bayan ng Panukulan ay isa sa mga munisipalidad na kabilang sa Polillo group of island sa Pacific Ocean sa hilagang bahagi ng lalawigan.

Noong 2008, nakarekober din ng pulisya ng 70 kilos ng shabu sa isinagawang raid sa isang shabu factory ng bayan ng Real. Ang nakumpiskang iligal na droga ay nagkakahalaga ng P300 milyon noon.

“Intsik, shabu, cocaine”
Tatlong Intsik muli ang nahuli sa tabing-dagat ng Infanta noong September 2018. Nakumpiska ng mga pulis sa bangka ng mga suspek ang walong sako ng kemikal, dalawang sako ng puting pulbos at 22 galon ng likido na ginagamit sa produksyon ng shabu.

Una dito noong June 2018, nakumpiska ng pulisya ang apat na kilong cocaine na nagkakahalaga ng P21.2 million sa isang mangingisda sa Infanta.

May mga mangingisda rin sa islang-bayan ng Perez ang nakarekober sa Pacific Ocean ng 28 kilong cocaine na may presyong P280 million.
Natagpuan din ng mga ito ang 16.5 na litro ng likidong kemikal na kayang gumawa ng 13 kilong shabu na nagkakahalaga ng P130 million.

Nakakuha rin ang mga mangingisda mula sa lalawigan ng mga “sophisticated, high-tech tracking device” na ginagamit ng sindikato upang matunton sa kalawakan ng dagat ang shabu na ibinagsak ng dayuhang sasakyang-dagat.

Ang hilagang bahagi ng Quezon, partikular ang mga islang-bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Jomalig at Patnanungan sa Pacific Ocean ay itinuturing ng pulisya na “critical watchpoints” upang mahadlangan ang pagpupuslit ng iligal na droga sa bansa.