CONSTRUCTION WORKER, PATAY SA MOTORSIKLO

Ylou Dagos

Patay ang isang construction worker nang ang minamaneho nitong motorsiklo ay sumalpok sa hulihan ng nakahintong truck sa gilid ng Maharlika Highway sa Lucena City, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Allan Paderon, 42 anyos, tubong Catanauan, Quezon at residente ng Barangay Isabang, Tayabas City.

Batay sa report ng Lucena police, bandang alas 6:30 ng umaga, tinatahak ng biktima ang highway patungo sa direksyon ng Lucena City nang sumalpok ito sa likuran ng nakaparadang truck sa tapat ng isang gasolinahan sa Barangay Iyam.

Nagtamo ng mga grabeng tama sa ulo at katawan ang biktima at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Ayon sa pulisya matulin ang takbo ng motorsiklo.

Nakaparada ang truck sa gilid ng highway na noon ay wala ang driver habang ito ay naghihintay na makapasok sa compound ng isang warehouse.
Inaresto rin ng mga pulis ang sriver ng truck na si Manuel Briones at sasampahan ng kaso.