GROUNDBREAKING CEREMONIES PARA SA BAGONG LIPA CITY HALL, ISINAGAWA

Dinaluhan nila Congresswoman Vilma Santos-Recto, Senator Ralph Recto, Mayor Eric Africa at mga opisyal ng DPWH at Ayala Land Estate ang groundbreaking ceremony ng itatayong bagong P1. 2B cityhall building sa Barangay Bulacnin.

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas -Nagsagawa ng groundbreaking ceremonies noong Biyernes ang pamahalaang lungsod ng Lipa para sa itatayong bagong P1.2 billion-worth cityhall building.

Ang bagong gusali ay itatayo sa loob ng siyam na ektaryang lupain sa Barangay Bulacnin na ipinagkaloob ng Ayala Land sa lungsod bilang donasyon. 

Nasa limang ektarya ang floor area na nakalaan para sa apat na palapag na city hall building, habang tig-dalawang ektarya naman ang nakalaan para sa regional food terminal ng Department of Agriculture at access road patungo sa city hall. 

Dinisenyo ng tanyag na Budji Layug – Royal Pineda Architecture ang nasabing city hall, na  inaasahang matatapos itong gawin sa loob lamang ng tatlong taon. 

“Today’s a very momentous event dahil ito pong groundbreaking ceremony ay isa pong symbol ng resiliency at success ng Lipa City despite all the tragedies na pinagdaanan po natin especially yung sunod sunod pong pagbagyo, pagputok ng bulkan at itong napakahabang COVID-19 pandemic,” ani Mayor Eric Africa sa kanyang talumpati sa nasabing seremonya. 

“Despite all that, nagcontinue po tayo na magsurvive and I’m proud to say na nagsucceed po ang lungsod ng Lipa so congratulations po sa ating lahat,” dagdag niya, na umani ng mga palakpak sa mga manonood sa nasabing event.

Bukod kay Africa ay dumalo rin sa seremonyas sila Congresswoman Vilma Santos Recto at ang asawang si Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na naging katuwang ni Mayor Africa para maisakatuparan ang proyekto. 

Naroon din si DPWH Undersecretary Emerson Benitez at kinatawan mula sa Ayala land estates na si Assistant Vice President Cris Zuluaga.

Aabot sa P200 milyon ang inilaang budget ng Sangguniang Panglungsod para sa nasabing gusali sa unang taon habang karagdagang P400 hanggang P500 milyon naman kada taon ang idaragdag pa haggang sa matapos na gawin ang bagong city hall sa ikatlong taon.

Nasa P50 milyon naman ang inilaang pondo ng tanggapan ni Senator Cynthia Villar sa itatayong food terminal na dinagdagan pa ng P100 milyon ni Senador Ralph Recto para maituloy ang nasabing bagsakan. 

Katuwang ng pamahalaang lungsod ng Lipa ang Department of Agriculture sa pagpapatakbo ng nasabing bagsakan, na inaasahang magpapataas ng kita ng mga magsasaka sa lungsod. 

Sa panayam kay Mayor Africa, sinabi niyang matagal nang planong magpagawa ng bagong city hall building maging ng mga nauna pang alkalde sa kanya simula kay noo’y Mayor at ngayoy Congresswoman Vilma Santos-Recto pero ngayon lamang ito natupad sa panahon niya. 

Kabilang sa mga naging konsiderasyon ay hindi na aniya kaya pang iakomoda pa sa kasalukuyang city hall building sa Barangay Marawoy ang volume ng mga taong pumupunta. Problema rin aniya kawalan ng parking spaces para sa mga sasakyan.

Walang inutang na salapi ang lungsod para maipatayo ang nasabing gusali at sa halip ay galing mismo sa pondo ng city hall mula sa binabayarang buwis ng taumbayan ang ipagpapagawa nito. 

Hindi rin kinailangang magtaas ng buwis ani Africa para magkaroon ng pondo sa pagpapagawa.

Nilinaw naman ni Mayor Africa na hindi gigibain ang kasalukuyang city hall lalo’t iconic at bahagi na aniya ng kasaysayan ng Lipa. 

Mananatili sa kasalukuyang gusali sa Marawoy ang mga tanggapan ng City Health Office, Community Affairs Office City Social Welfare and Development at Mayors Action Center, na siyang mangagalaga sa iba pang mga pangangailangan ng mga kababayan sa lungsod gaya ng medical at burial assistance. 

Matapos ang ground breaking ceremonies ay nagtungo naman sila Africa, Recto at lokal na mga opisyal para sa inauguration ng 2-kilometrong Manila-Bypass road na nagdurugtong sa Barangay Marawoy at Inosluban at isa lamang sa magsisilbing access road patungo sa itatayong panibagong city hall. 

Kasunod nito ay nagkaroon din ng maikling programa sa kasalukuyang cityhall kung saan ipinakita rin sa publiko ang miniature scale model ng New City Hall Building.