AYUDA SA SEKTOR NG TRANSPORTASYON, PINAG-AARALAN SA BATANGAS

Jaimee Mauricio

Batangas -Pagtatalakayan na ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kasama ang mga opisyal mula sa ehekutibo ang pagbibigay ayuda sa sector ng transportasyon sa Batangas.

Sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, binuksan ni 2nd District BM Wilson Rivera sa kanyang privilege speech ang planong pagbibigay ayuda sa sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang sakong bigas o tulong pinansyal upang maibsan ang gastusin ng mga ito sa pagtaas ng presyong ng produktong petrolyo.

Sa sesyon ng mga lokal na mambabatas noong Lunes, mayorya na sinang-ayunan ang nasabing adhikain ngunit kinakailangan na magawa na ito sa lalong madaling panahon upang hindi abutan ng election ban. 

Ang election ban ay magsisimula sa Biyernes March 25 kasabay ng pormal na pagsisimula ng kampanyahan ng mga lokal na kandidato.

Kaugnay nito, idiniin ni 2nd District BM Arlina Magboo na kinakailangan na sa loob ng 24 oras ay magawa na ang nasabing layunin nang sa ganun ay agad na din makapagbigay ng tulong na kinakailangan nang maisagawa. 

Kinakailangan naring makausap ang gobernador at ang mga pinuno ng finance committee ng pamahalaang panlalawigan para sa nasabing layunin. 

Inaasahan naman na pagpupulungan ng mga miyembro ng Transporation Committee ng SP ang nasabing layunin kasama ang mga kinatawan sa pamahalaang panlalawigan.