P2M-REWARD PARA SA UTAK NG TANGKANG PAGPATAY SA INFANTA MAYOR; AT NASAKOTENG P18-B SHABU SHIPMENT, INIALOK NI GOVERNOR SUAREZ

Ylou Dagos

Naglaan ng dalawang milyong pisong pabuya si Quezon Governor Danilo Suarez para sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikalulutas ng dalawang malaking kaso na magkasunod na nangyari sa bayan ng Infanta.

Sa official statement na inilahad ni Suarez sa mga mamamahayag, isang milyong pisong pabuya ang ilalaan nito para sa makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo kung sino ang utak sa tangkang pagpatay kay Infanta Mayor Filipina Grace America na pinagbabaril noong February 27 habang sakay ng kanyang sasakayang Chevrolet Trailblazer pagkalabas nito ng simbahan.

Pitong bala ng kalibre 45 baril ang tumama sa alkalde subalit himalang nakaligtas ito.

Nitong Lunes ay tuluyan ng nakarekober ang mayor at bumalik na sa kanyang panunungkulan.

Si America ay muling kumakandidato bilang alkalde sa kanyang ika-tatlong termino sa ilalim ng Nacionalista Party kalaban ang dalawa pang kandidato.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng NBI at isa ang pulitika sa tinitingnang motibo sa krimen.

Samantala isang milyong piso rin ang inilalaan ni Suarez sa makapagbibigay naman ng impormasyon kung sino ang utak ng tangkang pagpupuslit ng bilyong pisong halaga ng shabu sa naturan ding bayan.

Nangyari ang tangkang pagpupuslit noong March 15 habang nasa ospital pa ang alkalde.

Subalit nasabat ng mga tauhan ng NBI Intelligence Service and Task Force on Anti-illegal Drug ang naturang shabu shipment na ikinarga sa tatlong van na nahuli sa checkpoint sa Barangay Comon.

Sampung lalaki na pawang pasahero ng tatlong van ang inaresto ng magkakasanib ng tropa ng NBI, pulis at militar.

Ayon pa sa gobernador, sa pinakahuling inventory ng mga awtoridad, umabot sa 2,547 kilos ang nakumpiskang shabu na may street value na P18 bilyong piso.

Ito na ang pinakamalaking halaga ng iligal na droga na nakumpiska ng mga awtoridad.

Lumabas din sa imbestigasyon na ibinaba mula sa isang yate ang sako-sakong shabu sa isang barangay sa baybaying dagat ng Infanta at saka isinakay sa tatlong van patungo sana sa Metro Manila area.

Ayaw namang magkomento ni Suarez kung magkaugnay ang dalawang magkasunod na pangyayari.