BAHAY AT LUPA IPINAGKALOOB SA TAAL EVACUEES

Ang isinagawang awarding ceremony ng bahay at lupa sa mga Taal volcano evacuees sa Ibaan Batangas (photo from Mayor Joy Salvame Facebook)

Lyka Manalo

Ipinagkaloob na sa mga Taal evacuees ang tinitirhang bahay at lupa sa Ibaan, Batangas upang doon na permanenteng manirahan para makaiwas sa sakunang dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Pinangunahan nina Batangas Governor Hermilando Mandanas at Ibaan Mayor Joy Salvame ang pagbibigay ng Certificate of Eligibility of Lot Award sa 150 na Taal Evacuees na nakatira sa loob ng Sea Breeze Residences, Barangay Talaibon, Ibaan, Batangas, 

Mula noong 2020, inumpisahan na ng National Housing Authority (NHA) ang pag-aaward ng unawarded, surrendered at cancelled AFP/PNP housing units sa mga nangangailangan kagaya ng mga Taal Evacuees sa bisa ng Joint Resolution No. 2.

Ang mga nabigyan ng bahay at lupa ay dumaan sa proseso, nagpasa ng tamang papeles at nakapasa sa mga screening sa tulong ng pamahalaang lokal gaya ng Provincial Social Welfare and Development Office at lokal na pamahalaan ng Ibaan.

Kasabay din ng programa ang awarding ceremony ng Search for Pagandahan ng Paligid at Pananim Year II at ng Recognition of Exclusively Breast Feeding Mother ng pamahalaang panlalawigan.