11 BAYAN AT 1 LUNGSOD SA BATANGAS NASA ELECTION AREAS OF CONCERN – PNP

frontpage online news - Batangas

Arnell Ozaeta

Batangas – Isinailalim ng Batangas Police sa election “areas of concern” ang 11 bayan at 1 lungsod sa Batangas kaugnay sa darating na May 9, 2022 local and national election. 

Ayon kay Batangas Provincial Director Colonel Glicerio Cansilao, kabilang sa mga hotspot ngayong eleksyon ang mga bayan ng Nasugbu, Lian, Tuy, Balayan, Calatagan, Calaca, Lemery at Taal sa First District. 

Kasama rin ang mga bayan ng Bauan sa 2nd District samantalang sa 3rd District ay ang mga bayan ng Laurel at Mataasnakahoy. 

Tanging ang napabilang na hotspot na lungsod sa District 3 ay ang lungsod ng Sto Tomas.

Sa panayam kay PLT. Pauline Fernando, Public Information Officer ng Batangas Police Provincial Office, napabilang ang mga nasabing lugar sa “areas of concern” dahil narin sa mga nakaraang pangyayari na may kaugnayan sa election violence tulad ng shooting incidents, threat and intimidations involving candidates at elected officials.

Nasa pangalawang kategoria ang Batangas na nasa yellow. Samantalang nasa unang kategoria ang Green na “no concern”, Orange ang “with immediate concern” at Red ang “with grave concern”.

Sinimulang ipatupad ang yellow category sa Batangas noong January 9 na tatagal hanggang June 8 pagkatapos ng halalan.

Sa ilalim ng yellow category, nagpapatupad ang Batangas PNP ng province-wide simultaneous checkpoints laban sa mga ilegal na baril kaugnay sa ipinatutupad na Comelec gun ban.

Sa tala ng Batangas Police, nagkaroon na ng 4 na comelec checkpoint incidents, 45 na operations at 46 confiscated firearms at arrested person sa panahong ipinatutupad ang yellow category sa lalawigan.