MAYOR ISKO, NANGAMPANYA SA SAN JUAN, BATANGAS

frontpage online news - Si Presidential candidate Isko Moreno ay muling nagbalik sa lalawigan ng Batangas sa unang araw ng lokal na kampanyahan (Ylou Dagos)
Si Presidential candidate Isko Moreno ay muling nagbalik sa lalawigan ng Batangas sa unang araw ng lokal na kampanyahan (Ylou Dagos)

Ylou Dagos

Kasabay ng pagsisimula ng campaign period para sa mga local candidates, nagsagawa ng kanyang campaign sortie at mini rally si Presidential candidate Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa bayan ng San Juan, Batangas nitong Biyernes.

Si Moreno ay dumating sa Barangay Buhay na Sapa lulan ng isang chopper alas 8:30 ng umaga.

Sinalubong ito ni San Juan Mayor Ildebrando “Beebong” Salud, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at ng mga taga suporta ni Moreno.

Buhat doon ay nag-motorcade ang grupo patungo sa San Juan covered Court na nasa municipal plaza kungsaan ginawa ang programa.

Kasama rin ni Isko Moreno ang kanyang mga senatorial candidates na sina Former Agrarian Reform secretary John Castriciones, Samira Gutoc, Carl Balita at Jopet Sison.

Hindi naman nakadalo ang kanyang vice presidential tandem na si Dr. Willie Ong.

Kasama rin sa sumalubong kay Moreno si Senator Ralph Recto na siyang mahigpit na sumusuporta kay Domagoso sa Batangas.

Nagpahayag din ng buong suporta si Mayor Salud at Sangguniang bayan sa kandidatura ng dating Manila mayor.

Ayon sa PNP, tinatayang nasa limang libong katao ang dumalo sa event na nagsisikan sa gym.

Sa kanyang pagsasalita, nagpasalamat si Moreno sa mga Batangueno na sa ikalawang pagkakataon ay sa lalawigan siya nagpahayag ng kanyang intensyon na maging pangulo ng bansa.

“Noon nagpasya akong tatakbo sa halalan sa pagka-pangulo, dito sa Batangas ko unang personal itong inanunsyo noong October 2021, ngayon, simula ng lokal na kampanyahan, dito uli ako nagsimula,” ayon kay Moreno.

Muli binaggit nito sa kanyang mga taga suporta ang isa sa kanyang layunin na pababain niya ang presyo ng mga produktong petrolyo na siyang ugat anya ng lalong paghihirap ng mga Pinoy. Ito anya ay sa pamamagitan ng pag-aalis o pagbabawas sa excise tax sa produktong petrolyo, kahit pa malugi ang gobyerno.

“E ano kung malugi ang gobyerno, pinakinabangan naman ng mga tao”, ayon pa kay Moreno.

Sinabi rin Moreno sa ambush interview na bukas siya na magsasampa ng kaso laban sa P203 billion tax debt ng Marcos family.

“Well, if that is the normal course of law, bakit hindi,” paliwanag ni Moreno.

“Because paano ka naman magbabayad… next time sisingilin kita ng buwis. Halimbawa, sabihin ko, ‘Uy mag bayad ka ng buwis.’ Tapos ang sasabihin mo sa akin, ‘Bakit ako sinisingil mo? ‘Yung isang malaki hindi mo sinisingil,” he added.

Nagsalita si Moreno nang tanungin siya ng media kung magsampa ba siya ng kaso laban sa mga Marcoses kung mananalo siya sa presidential race.