NAGPABAKUNA SA CALACA, PANALO NG BAGONG KOTSE 

Ang mga nanalo sa Calaqueno Bakunado Panalo Raffle Draw na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Calaca (photo from Mayor Nas Ona Facebook)

Lyka Manalo

CALACA, Batangas— Isang bagong Toyota Wigo ang ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng Calaca sa masuwerteng nanalo sa kanilang CALAQUEÑO BAKUNADO PANALO RAFFLE DRAW.

Wagi sa First Prize si Bernadette Baldrias, mula sa Barangay Puting Bato West habang nanalo naman ng baka na nagkakahalaga ng P50,000 si Carl Delos Reyes na taga Madalunot para sa second prize. 

Si Gina Ramos naman ng Poblacion ay nanalo ng grocery items na nagkakahalaga ng P30,000 para sa 3rd prize.

Ayon sa Facebook Page ni Calaca Mayor Nas Ona, 65,000 na taga Calaca ang nagpabakuna na sumali sa kanilang pa-raffle.

Ang pa-raffle ay inilunsad ng Calaca local government upang mahikayat  ang mga mamamayan na magpabakuna laban sa Covid-19.

Ginanap noong Huwebes, Marso 24 ang raffle draw at tiniyak ng pamunuan ng Calaca na ang mga nanalo ay kwalipikadong kasali at nabakunahan sa kanilang vaccination drive program.