2 MALIIT NA PAGSABOG, MULING NAITALA SA TAAL VOLCANO NGAYONG UMAGA

Screenshot ng live feed ng pagsabog ng Taal Volcano na kuha ng Agoncillo LGU

Ylou Dagos

Muling nakapagtala ng dalawang phreatomagmatic bursts ang bulkang Taal ngayong Linggo ng umaga.

Ayon sa NDRRMC  nagkaroon ng magkasaunod na pagbuga ng makapal na usok kaninang 04:34 AM na umabot sa 800 metro ang taas at sinundan dakong 5:04 ng umaga na umabot sa 400 metro ang taas.

Kahapon makaraan ang ilang magkakasunod na maliliit na pagsabog na nagtapos dakong 8:35 ng umaga, pansamantalang kumalma ang bulkan.

Samantala hanggang alas 5:00 ng hapon kahapon, batay sa tala ng Agoncillo MSWDO/MDRRMC,   umabot na sa 522 sa pamilya ang nailikas ng Agoncillo LGU at dinala sa walong evacuation center sa naturang bayan.

Kabilang sa mga itinalagang evacuation center ang mga eskwelahan ng Agoncillo Central School na may 96 families, Pook Elementary School, 100 pamilya; Coral National Highschool, 66 pamilya; Coral Elementary School, 115 pamilya; Pansipit Elementary School; 51 pamilya; Barigon Elementary School, 38 pamilya; at Balangon Elementary School na may 86 na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan.

Ang mga inilikas ay mula sa mga high risk barangay  ng  Bilibinwang, Subic Ilaya, Banyaga at iba pang barangay.

Inilikas na rin ang lahat ng naninirahan sa mismong volcano island.

Nanatiling nakataas sa alert level 3 ang bulkan na itinaaas kahapon ng umaga mula sa dating alert level 2.

Patuloy pa rin ang paalala ng NDRRMC sa mga residente na sumunod sa mga ipinapalabas na abiso ng mga awtoridad.