6 NA BAYAN SA QUEZON, “HOT SPOTS” NGAYONG ELEKSYON 

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Anim na bayan sa lalawigan ng Quezon ang itinuturing na “hot spots” ngayong halalan.

Ayon kay Colonel Joel Villanueva, Quezon police chief, ang dalawang bayan ng Infanta at Mulanay, ay nasa ilalim ng kategoryang “yellow” dahil sa napatalang insidente ng karahasan kaugnay sa eleksyon.

Si Infanta Mayor Filipina Grace America ay pinaulanan ng putok ng isang lalaki na may baril na kalibre 45 habang sakay ang alkalde sa sasakyan sa kabayanan noong February 27.

Ang biktima ay katatapos lang na umatend ng religious service sa katabing kapilya ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) .

Mabilis na tumakas ang lalaki pagkatapos ng pamamaril. Himalang nakaligtas si America sa tangkang pagpatay sa kabila ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa ulat ng pulisya, balak na todasin si America sa isinagawang pamamaril.

Naniniwala ang re-eleksyonistang punong-bayan na walang ibang motibo sa pagtatangka sa kanyang buhay kung hindi ang pulitika.

Patuloy ang pulisya sa kanilang imbestigasyon.

Sa paliwanag ni Villanueva, nakasama sa listahan ang Mulanay dahil sa nakaraang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksyon na naganap noong 2019 at 2016.

Ang apat na bayan – General Nakar, General Luna, Lopez at Catanauan – ay nasa ilalim naman ng kategoryang “orange” dahil sa mga napaulat na presensya ng mga komunistang New Peoples Army (NPA) sa mga nasabing lokalidad.

Ang apat na lugar ay pinangyarihan din ng mga nakaraang sagupaan ng tropa ng estado at NPA, ayon pa kay Villanueva.

Binigyang-diin naman ni Villanueva na mahigpit na ipatutupad ng pulisya ang lahat ng mga inilatag na alituntunin ng pamahalaan upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa buong panahon ng halalan.

Ang panahon ng kampanyahan sa mga kandidato sa lokal na posisyon kabilang ang mga kongresista, gobernador, board members, mayor, vice mayor at konsehal ay nagsimula noong March 25 at magtatapos sa May 7.