ESCUDERO, PABOR NA SUSPENDIHIN ANG KOLEKSYON NG EXCISE TAX SA PRODUKTONG PETROLYO

frontpage online news - Si Senatoriable Chiz Escudero sa ginanap na press conference sa Batangas City kamakailan
Si Senatoriable Chiz Escudero sa ginanap na press conference sa Batangas City kamakailan.

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Sumasang-ayon si Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero sa panawagang suspendihin muna ng gobyerno ang pagkulekta ng fuel excise tax. 

Yan ay para mapagaan ang pasanin ng mga mamamayan kasunod ng sunod-sunod na pagtataas na presyo ng gasolina sa nagdaang mga linggo.

Sa ginanap na press conference noong Biyernes, sinabi ng dating senador na sa loob lamang tatlong linggo ay umabot na sa 40 bilyon dahil sa nasabing mga pag-angat ng presyo ng produktong petrolyo.

“Tama ba yong lumalaki ang kita ng gobyerno habang dumadagdag ang pasanin ng tao? Hindi ba dapat pag-aari ng gobyerno ang pasanin ng tao? Wag dumagdag pa sa kinakarga ng tao,” ani Escudero, na muling tumatakbong senador bilang independent candidate. 

Tingin niya rin ay may iba pang buwis na maaari namang pagkunan ang gobyerno ng pondo sa posibleng mawawalang kita oras na alisin ang excise tax. 

Paliwanag niya, ang excise tax ay fixed tax habang ang value added tax naman ay percentage tax. Sa 10 porsyentong vat, sa P30 kada litrong presyo ng gasoline ay kikita ang gobyerno mula sa buwis na P3 kada litro. 

Ngayong tumaas na sa P70 kada litro ang nasabing presyo ay kulang kulang 7 piso kada litro na ang kikitain ng gobyerno.

“Babaan man ang excise tax, nandun pa rin ang value added tax. Plus 40 billion ng gobyerno. Hindi sila nawalan ng pera. Sabihin na nating bababaan din ang VAT? Alam nyo pwedeng magbenta ang gobyerno ng ari-ariang di niya nagagamit o naipapagawa,” pagpapaliwanag ni Escudero.

Nauna nang nanindigan ang Department of Finance sa pagtutol na suspendihin ang fuel excise tax sa kabila ng magkakasunod na taas presyo ng langis bunsod ng nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Paola Alvarez nasa P138.8 bilyon o 0.6 porsyento ng gross domestic product ang maaaring mawalang kita sakaling suspendihin ang lahat ng excise at value added tax sa langis.

Sakaling suspendihin ang koleksyon ng excise tax mula Hunyo hanggang Nobyembre katulad na rin ng naunang pinanukala sa Kamara ay nasa P48.7 bilyon aniya ang mawawalang kita sa bansa habang nasa P69.3 bilyon naman kung mula Hunyo hanggang Disyembre.

Sinabi rin niya na ang kita mula sa excise tax ang siyang ginagamit ng gobyerno para pondohan ang mga social services at gastos pang imprastraktura ng gobyerno.