NATIONAL UNITY PARTY PRESIDENT CAVITE REPRESENTATIVE ELPIDIO ”PIDI” BARZAGA, INENDORSO SI VP LENI SA PAGKAPANGULO

frontpage online news - Si NUP President Cavite Representative Elpidio Barzaga sa kanyang proclamation rally noong Sabado (photo from Elpidio Barzaga facebook account)
Si NUP President Cavite Representative Elpidio Barzaga sa kanyang proclamation rally noong Sabado (photo from Elpidio Barzaga facebook account)

Nicole Magmanlac

Hayagang inendorso ni 4th District Representative Elpidio “Pidi” Barzaga si Vice President Leni Robredo bilang kanyang pambato sa pagka pangulo sa isinagawang proclamation rally sa Dasmariñas, Cavite nitong sabado, Marso 26, 2022.

Ito ay taliwas sa kanyang partido na nag anunsyo noon lamang Hwebes, Marso 24, na ang ineendorso ng National Unity Party ay si presidential candidate Bongbong Marcos.

Ayon kay Barzaga, matapos niyang pag-aralan ang kwalipikasyon at karanasan ng mga presidential candidates, iisa lang ayon sa kanya ang may karanasan sa tatlong departamento ng gobyerno. Ito ay walang iba kundi si presidential candidate Leni Robredo.

Dagdag pa nito, bagama’t hindi nahirang bilang isang judge si presidential candidate Leni Robredo ay alam naman nito ang administrasyon at judiciary sa paggagawa ng batas dito sa Pilipinas dahil isa siyang abogado. Sa ilalim naman ng lehislatibong sektor, si Robredo umano ay naging district representative at sa kasalukuyan siya ay naluklok sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Inendorso din ng asawa ni Barzaga na si Dasmariñas Mayor Jenny Austria Barzaga si Robredo sa pagkapangulo. Subalit ang kanilang anak na si Konsehal Kiko Barzaga ay si Marcos ang inendorso.