PAGTATANIM SA MGA CONTAINER ITINURO SA MGA KABABAIHAN

frontpage online news - Ang mga kababaihan na tinuruan ng pagtatanim sa container na maaaring pagkakitaan at makakatulong sa kalikasan (photo from Palakat Batangas City(
Ang mga kababaihan na tinuruan ng pagtatanim sa container na maaaring pagkakitaan at makakatulong sa kalikasan (photo from Palakat Batangas City)

Lyka Manalo

Itinuro sa mga kababaihan ang tamang paraan ng pagtatanim sa mga container bilang isa mga maaaring pagkakitaan at makakatulong pa sa kalikasan sa Batangas City.

Isinagawa ang pagsasanay sa container gardening kung saan 20 ang lumahok dito na mga taga barangay ng Alangilan at Balagtas mula sa pakikipagtuwang ng Batangas City Grand Terminal Management sa Crop Production Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Service (OCVAS).

Ginawa ang pagsasanay na may temang Serbisyo at Kabuhayan para sa Kababaihan noong Marso 26 at bahagi ito ng programa ng lokal na pamahalaan ng Batangas City bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Women’s Month.

Ipinaliwanag ni Senior Agriculturist Albert Serquiña ang mga kailangang kagamitan sa pagsisimula ng container gardening gayundin ang mga benepisyong dulot nito.

Nagsagawa naman ng demo si Agricultural Technologist Vilner Ilagan sa wastong pamamaraan ng pagtatanim sa mga container.

Ang mga kagamitan at garden containers ay mula sa pamunuan ng Grand Terminal habang ang mga seedlings at seeds ay mula sa OCVAS.

Tumanggap ang mga participants ng garden kit na may kasamang mini garden rake, trowel at spray bottle.