3 PANG MALIIT NA PAGSABOG NAITALA SA BULKANG TAAL

Screenshot ng live feed ng pagsabog ng Taal Volcano na kuha ng Agoncillo LGU

Marlon Luistro

Tatlo pang phreatomagmatic na pagputok ang naganap sa Bulkang Taal nitong Lunes.

Ayon sa inilabas na bulletin ng Phivolcs  nangyari ang pagsabog bandang alas-9:30 ng umaga, sinundan ng 9:33 ng umaga at 9:46 ng umaga batay na rin sa seismic records at visual cameras. 

Lumikha ng plume o usok ang na may taas na 800 metro ang unang pagputok habang 400 metrong taas naman ang idinulot ng pangalawang pagputok.

Samantala, sa nakalipas na magdamag ay may naitala ring 8 volcanic earthquakes kabilang na ang 1 volcanic tremor events na tumagal ng limang minuto. 

Kasalukuyang nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkan at ayon sa Phivolcs sa ilalim ng nasabing alert leel ay nanunuot ang magma sa ilalim ng main crater at maaaring magdulot ng karagdagan o malakas na pagputok.

Dahil diyan ay iminumungkahi ng PHIVOLCS sa publiko na lumikas mula sa Taal Volcano Island at mga high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Boso-boso, Gulod at silangang bahagi ng Bugaan East, Laurel, Batangas dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.

Sa pinakahuling ulat ng Batangas PDRRMO ay umaabot na sa 1,632 families na katumbas ay 5,878 ang lumikas at kasalukuyang nasa mga evacuation centers habang 466 pamilya naman ang nasa labas ng evacuation centers.

Samantala, patuloy namang pinaaalalahanan din ng Phivolcs ang buong Taal Volcano Island ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpasok dito at sa mga high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel ay ipagbawal. 

Lahat ng mga aktibidad sa Taal Lake ay ipagbabawal sa ngayon.

Hinihikayat ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at handa dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.