KOTSE  SINALPOK NG TRAILER TRUCK, DRIVER SUGATAN

frontpage online news - Nagsasagawa ng imbestigasyon sa aksidenteng nangyari sa kahabaan ng highway sa Tagkawayan Quezon (photo by Tagkawayan PNP)
Nagsasagawa ng imbestigasyon sa aksidenteng nangyari sa kahabaan ng highway sa Tagkawayan Quezon (photo by Tagkawayan PNP)

Ylou Dagos

Sugatan ang driver ng isang kotse  matapos nitong makasalpukan ang kasalubong na trailer truck sa Quirino Highway, San Vicente, Tagkawayan, Quezon noong Martes ng madaling araw.

Sa tindi ng salpukan ay nawasak ang unahan ng kotse, tumilapon at nahulog pa ito sa kanal.

Ilang minuto rin na naipit ang driver na si  Felix Tumotorbo, 36, taga Taguig City  at naging pahirapan ang ginawang pag-rescue dito.

Nagtamo ito ng sugat at bone fracture   at  isinugod ito sa pagamutan sa Tagkawayan.

Wala namang sugat o tinamong pinsala ang babaeng kasama nito.

Nasira din ang kaliwang bahagi ng unahan ng trailer truck.

Hindi naman nasugatan ang driver ng truck na si Joseph Marfil, 46,  at ang pahinante.

Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, patungong Pamplona, Camarines Sur ng kotse  habang patungo naman sa Maynila ang trailer truck.

Base sa kuha ng dashcam ng nasalpok na kotse , nag-overtake ang truck sa kurbadang bahagi kaya nabulaga ang kotse at nagkasalpukan ang dalawang sasakyan.

Sasampahan  ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury at damage to property ang driver ng trailer truck.