NAGSALPUKANG MOTORSIkLO, INARARO NG VAN, 1 PATAY, 1 SUGATAN

frontpage online news - Mauban Quezon Map

Ylo Dagos

Isang rider  ang patay at isa naman ang sugatan nang araruhin ng isang van ang dalawang nagkasalpukang motorsiklo sa provincial road sa Barangay Santol, Mauban, Quezon Lunes ng madaling araw.

Nasawi habang isinusugod sa ospital ang biktimang si Jeffrey Uller, 21 anyos, laborer at residente ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.

Ayon sa report ng Mauban police, binangga ang motorsiklo ng biktima ng motorsiklong minamaneho ng umano ay nakakainom na si Mark Anthony Aranta Orejola, 39 anyos, taga Mauban dakong alas 4:20 ng madaling araw sa Sampaloc – Mauban road.

Matapos parehas matumba ang dalawang motorsiklo, inararo naman ang mga ito ng paparating na van.

Napuruhan sa ulo at katawan ang biktimang si  Uller at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Nasugatan din ang driver ng isa pang motorsiklo na si Orejola.

Tumakas naman ang  nakabanggang kulay green na van na na minamaneho ng hindi rin natukoy na driver.

Naiwan naman sa lugar ang license  plate ng sasakyan na may number na GTU 470.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad kung sino ang may ari ng van.

Samantala sasampahan din ng kaso ang driver ng unang sumalpok  na motorsiklo sa biktima.