2 MOST WANTED PERSONS NG CALABARZON, NAARESTO SA LAGUNA

frontpage online news - Isa sa mga suspek na nasakote sa operasyon ng Laguna police at kabilang sa top 10 Most Wanted Persons ng CALABARZON (photo from Laguna Police Provincial Office)
Isa sa mga suspek na nasakote sa operasyon ng Laguna police at kabilang sa top 10 Most Wanted Persons ng CALABARZON (photo from Laguna Police Provincial Office)

Nicole Magmanlac

Ibinalita ni Police Regional Office 4A (CALABARZON) Regional Director, PBGEN Antonio C Yarra ang pagkakadakip sa dalawang most wanted persons ng CALABARZON sa bisa ng warrant of arrest noong Marso 28,2022.

Kinilala ni PCOL Cecilio Ison Jr, Acting Provincial Director ng Laguna Police Office, ang isa sa nahuling suspek na si Ryan Castillo, 41 taong gulang, residente ng Barangay Sto. Tomas, Calauan, Laguna at unang nahuli sa operasyon sa tulong ng operatiba ng Calauan Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit (PIU) Laguna PPO, PIDMU Laguna PPO at Regional Highway Patrol Unit-NCR.

Si Castillo, ay ang No. 1 Most Wanted Person ng CALABARZON at may nakahaing warrant of arrest na inisyu ng Branch 8 ng Family Court, Regional Trial Court Calamba City, Laguna para sa limang counts ng rape at walang inirekomendang piyansa.

Arestado naman sa pangalawang operasyon si Lorenda Allen Nollora, 56 taong gulang, residente ng Barangay Salubungan, Siniloan, Laguna. Siya ay naaresto ng magkasanib na operatiba ng Siniloan Municipal Police Station, Regional Intelligence Division at Regional Special Operations Unit ng Laguna.

Si Nollora ay ang No. 8 Most Wanted Person ng CALABARZON at may nakahaing warrant of arrest na inisyu ng Branch 33, Regional Trial Court, Siniloan, Laguna noong Marso 24, 2022 para sa Paglabag sa Sec 10 (a) ng R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Halagang P80,000 ang inirekomendang piyansa kay Nollora.

Ang mga arestadong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng dalawang operating units na nakadakip sa kanila.