ACTIVE COVID CASES SA BATANGAS CITY, BUMABA NA SA 7

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Umabot na sa 15,247 ang kabuuang kaso ng COVID sa lungsod kung saan pito ang active cases o nagpapagaling pa, 472 ang pumanaw habang 14,768 ang gumaling na sa sakit.

Sa ulat ng City Health Office mula ika-29 ng Marso, isang bagong kaso ng COVID ang nadagdag sa katauhan ng 31-anyos na babaeng taga-Barangay Alangilan. Habang gumaling naman sa sakit ang 29-anyos na babaeng taga-Barangay Kumintang Ilaya.

Nauna nang tumanggap ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa katatapos na Umalohokan Award ng Department of Health bilang Local Government Unit with best practices sa demand generation at communication strategy para sa National Vaccination Days 1 and 2.

Bagaman bumababa na ang mga naitatalang kaso ay patuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Beverley Dimacuha para mahikayat ang mga Batangueno na magpabakuna kontra COVID-19.

Nauna nang sinabi ni Batangas City Health Officer Dr. Rossana Barrion na kailangan pa ring makumbinsi ang mga mamamayan ng lungsod kabilang ang mga nasa A2 group o senior citizens na kumpletuhin ang bakuna hanggang booster shot.

Iniulat ng CHO sa March 22 meeting ng Local Health Board na 114 indibidwal o 24 porsyento ng kabuuang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 ay nasa edad 61 hanggang 70 anyos habang 101 naman ang 70 hanggang 81 taong gulang.