MPBL, MULING MAGBABALIK PARA SA IKA-APAT NA SEASON

frontpage online news - Photo from Maharlika Pilipinas Basketball League Facebook Page
Photo from Maharlika Pilipinas Basketball League Facebook Page

Joseph Daniel Bonus

Muling magbabalik ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) para sa ika-4 na season nito ngayong Abril 25 na gaganapin sa Batangas City Coliseum.

Ibinahagi ito ni MPBL Commisioner Kenneth Duremdes na napagpulungan sa Philippine Sportswriters Association Forum kasama ang founder na si Senador Manny Pacquiao nitong Martes.

“Kakaiba yung excitement ng mga fans natin na after two years na absence dahil nga sa pandemic, manunumbalik ulit yung kasiyahan lalo na sa mga lugar na malakas ang basketball fans natin. Alam natin na matagal na nilang inaantay,” ani Duremdes.

Ang muling pagbabalik ng liga na gaganapin sa Batangas ay bukas para sa mga bakunadong fans. Pananatilihin ang limited capacity protocols alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Games and Amusement Board (GAB).

Inaasahan ang 20 koponan na lalahok sa nasabing season, 18 sa mga ito ang nakapagpasa na ng kanilang pakikiisa. Kabilang na rito ang Nueva Ecija, Chooks-to-Go MPBL invitational champions Basilan, San Juan Knights, at ang bagong koponan na Negros Muscovados.