1 PANIBAGONG PHREATOMAGMATIC BURST NAITALA SA BULKANG TAAL

Marlon Luistro

May naganap na panibagong phreatomagmatic burst sa Bulkang Taal kaninang umaga.

Sa ulat ng Phivolcs, nangyari ang phreatomagmatic burst bandang alas-10:39 ng umaga at tumagal ng may dalawang minuto. Lumikha rin ito ng plume o usok na may taas na 900 metro.

Kasalukuyang nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkan at ayon sa Phivolcs sa ilalim ng nasabing alert leel ay nanunuot ang magma sa ilalim ng main crater at maaaring magdulot ng karagdagan o malakas na pagputok.

Dahil diyan ay iminumungkahi ng PHIVOLCS sa publiko na lumikas mula sa Taal Volcano Island o TVI at mga high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Boso-boso, Gulod at silangang bahagi ng Bugaan East, Laurel, Batangas dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.

Sa pinakahuling ulat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mula alas-8 ng umaga ngayong araw ay umabot na sa 1757 pamilya na katumbas ay 6,297 indibidwal ang lumikas mula sa ilang araw na pag-aalburoto ng bulkan.

Patuloy namang pinaaalalahanan din ng Phivolcs ang lahat na ang buong Taal volcano island ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) kayat mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito at sa mga high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel. Lahat din aniya ng mga aktibidad sa Taal Lake ay dapat ipagbabawal sa ngayon.

Hinihikayat ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at I am Ready dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.