BINATANG RIDER, NAGULUNGAN NG BUS, TODAS

Ylou Dagos

Patay ang isang 19-anyos na binata nang maipit sa gulong ng  bus matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa national highway sa Rosario, Batangas  Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Jay-M Remandiman, taga Brgy. Timbugan, Rosario.

Batay sa report ng Rosario police, dakong alas 6:40 ng umaga, tinatahak ng Yamaha NMAX na minamaneho ng biktima ang national highway ng sumalpok ito sa tagiliran ng kasalubong na Hyundai H-100 Shuttle van na minamaneho ng 23-anyos na si Kelly Casañas, taga bayan ng Padre Garcia.

Bigla umanong lumiko ang van pakaliwa sa highway kaya inabot ito ng motorsiklo.

Nawalan ng kontrol ang motorsiklo at sumalpok uli ito sa unahan ng  kasalubong na Daewoo shuttle bus na minamaneho naman ni Michael Cadigdig.

Nahulog sa motorsiklo ang biktima at ang backrider nito na si Rey Isla y Remandiman, 22 anyos.

Napasuot sa ilalim ng bus si Remandiman hanggang sa maipit ito ng huling gulong.

Wala na itong buhay nang mahugot sa ilalim ng sasakyan, samantalang isinugod naman sa ospital ang sugatang backrider nito.

Inaresto naman ng mga pulis ang driver ng van at ng bus at parehong sasampahan ng kaukulang kaso.