11 BAHAY TINUPOK NG APOY SA SAN PABLO CITY

Ang tanging natira sa mga nasunog na kabahayan sa San Pablo City (photos by Cherry Taboso and Noevic Aquino Liwanag)

Ylou Dagos

Labing isang kabahayan ang naabo sa sunog na sumiklab sa Barangay Concepcion, San Pablo City sa Laguna Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa report ng San Pablo City police, nagsimula ang apoy sa isa sa mga bahay at mabilis na kumalat sa mga katabing  kabahayan na nasa likod mismo ng barangay hall at covered court ng Barangay Concepcion dakong alas 4:00 ng madaling araw.

Ayon sa mga residente nagising na lamang sila na malaki na ang apoy at kalat na sa magkakatabing kabahayan.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng San Pablo City Bureau of Fire protections at mga bumbero ng ilang katabing bayan at naapula ang apoy dakong 4:45 ng umaga.

Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog na tumagal din ng halos 45 minuto.

Ayon sa City DSWD, 17 pamilya ang nawalan ng tahanan na binubuo ng 77 indibidwal kung saan kabilang ang 29  na bata at 6 na sanggol.

Agad namang nagpadala ng food packs  at financial assistance sa mga nasunugan ang San Pablo LGU.

Nagtayo na rin ng pansamantalang tirahan at mga tent sa covered court na siyang tutuluyan ng mga biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa pinagsimulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala.

Samantala, duda naman ang ilang residente na sinadyang sunugin ng hindi nakilalang suspek ang isang bahay sa lugar na ikinadamay ng iba pang kabahayan.