3 UMANO’Y GUNRUNNERS ARESTADO SA IMUS, SAMU’T SARING ARMAS, NASABAT

Marlon Luistro

Lungsod ng Imus, Cavite – Naaresto ng pulisya sa ikinasang buybust operation ang tatlong umano’y gunrunner na iligal na nagbebenta ng baril sa lungsod na ito noong Biyernes.

Kinilalani PCol Noel Nunez, hepe ng regional intelligence division ng PNP Calabarzon, ang mga inarestong suspek na sila Lyle Irish Pena, 31, manager ng Gundex Gun Store; Jazon Gamazon, 37 at kapwa residente ng Caloocan City. Huli rin sa operasyon si Romar Bejasa, taga-Barangay San Isidro, Montalban, Rizal.

Ikinasa ang operasyon kasunod ng serye ng validation at surveillance laban sa mga suspek hinggil sa kanilang iligal na pagbebenta ng mga armas.

Pasado alas-4 ng hapon nang ikasa ang operasyon laban sa mga suspek sa may parking lot sa likod ng All Home Furniture and Supermarket sa Barangay Palico 4, na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nabawi mula sa kanilang pag-iingat at kontrol ang caliber 9 MM Taurus G3, na may dalawang magazine at reloader na may case; caliber 45 Armscore na walang magazine pero may case; AKKAR Altay shotgun; CZ Scorpion Evo 3 S1 .9 MM Lugger Carbine rifle na may magazine; iba’t ibang gun catalogues; at metallic orange Toyota Vios (Plate No. NDX – 9362).

Nakakulong na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 32 o Unlawful Manufacture, Importation, Sale or Disposition of Firearm or Ammunition ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law kaugnay ng Comelec gun ban. Wala pang pahayag ang mga suspek kaugnay ng nasabing insidente.

Ang mga armas na naaresto mula sa tatlong umano’y gunrunners sa Cavite buy bust (photo from PNP 4A)