OPERATOR NATUSTA SA BOOM TRUCK, 2 PA SUGATAN

Ylou Dagos

Patay ang isang operator ng boom truck matapos na ang crane nito ay sumabit sa high tension wire sa project site sa Sariaya, Quezon Biyernes ng hapon.

Sugatan din ang dalawang kasamang trabahador nito na siyang nasa taas ng lift basket ng
crane.

Kinilala ng Sariaya police ang nasawing biktima na si Jumar Lubon, 27 anyos, residente ng Barangay Namuco, Rosario, Batangas.

Sugatan naman ang mga laborer na sina Frederick Formento, 32 anyos, at Johnny Sta. Maria, 34, parehong taga Pitogo, Quezon.

Batay sa report ng Sariaya police, bandang alas 2:10 ng hapon, nagkakabit ang mga biktima ng solar lights sa mga poste sa gilid Maharlika highway sa Barangay Concepcion Palasan nang aksidenteng tumama ang dulo ng crane sa mainline ng Meralco.
Nagresulta ito sa pagkakuryente ng tatlo.

Isinugod agad ang mga ito sa ospital subalit idineklarang dead on arrival si Lubon.

Napag alaman din na ang mga biktima ay pawang walang suot na mga safety gear tulad ng safety shoes, gloves, at hard hat.