PHIVOLCS: 36 LOW FREQUENCY VOLCANIC EARTHQUAKES NAITALA SA BULKAN TAAL

Photo by Marlon Luistro

Marlon Luistro

Aabot sa 36 low frequency volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na magdamag, ayon sa Phivolcs

Sa inilabas na bulletin ng Phivolcs kaninang alas-8 ng umaga, sinabi nitong may naganap ding upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng main crater ng Bulkan na lumikha ng plume o usok na may taas na 900 metro.

Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 2,451 tonelada kada araw noong April 1. 

Nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkan at sa lagay na ito ayon sa Phivolcs ay nanunuot ang magma sa ilalim ng main crater na maaaring magdulot ng karagdagan o malakas na pagputok.

Patuloy namang pinaaalalahanan din ng Phivolcs ang lahat na ang buong Taal volcano island ay isang Permanent Danger Zone kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito at sa mga high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel. 

Ayon sa Phivolcs, lahat din aniya ng mga aktibidad sa Taal Lake ay dapat ipagbawal sa ngayon.

Hinihikayat din ng Phivolcs ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at mag-ingat dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.

Sinabihan din ang mga pilotong iwasang magpalipad ng eroplano malapit sa bulkan dahil sa nagliliparang abo, umiitsang bato at pyroclastic density currents tulad ng base surge na maaaring makaapekto sa aircraft na idudulot ng posibleng biglaang pagputok ng bulkan.