P102K HALAGA NG SHABU NASABAT SA BUY BUST OPERATION SA BATANGAS

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Aabot sa mahigit kumulang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P102,000 ang nasabat ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit-BPPO at Batangas City Police Station sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Balagtas kahapon.

Bandang alas-4:30 ng hapon nang ikasa ang operasyon kung saan nasakote ang suspek na si Ronald Manongsong alyas Steve, 42, walang trabaho at kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Agustin, Bauan, Batangas.

Narekober mula sa suspek ang P30,000 marked money, isang cellular phone, at isang Honda XRM na motorsiklo.

Isasailalim sa pagsusuri ng Batangas Provincial Forensic Unit ang mga narekober na ebidensiya.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang suspek na ngayo’y nakakulong na.

“Hindi namin titigilan ang pagsupil sa ganitong klaseng mga gawain. Huwag po kayong mag-atubiling magbigay impormasyon hinggil sa mga iligal na gawain o mga taong sangkot dito. Malaking tulong po ang inyong kooperasyon para masugpo natin ang iligal na droga,” pahayag ni Batangas police director P/Col. Glicerio Cansilao.