NEGOSYANTE PINATAY SA LOOB NG TINDAHAN NG MOTORSIKLO SA LEMERY

Marlon Luistro

Lemery, Batangas – Patay ang 69-anyos na negosyante matapos hatawin ng matigas na bagay sa kanyang ulo sa Barangay Malinis sa bayang ito noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktimang si Jesus Co may ari ng Jupiter Motorcycle Center

Ayon sa report, dakong alas-8:45 ng gabi nang matagpuan ng kanyang live-in partner ang biktima na nakahandusay sa nasabing motorcycle center.

Ayon sa pulisya, may indikasyong hinampas ng matigas na bagay sa ulo ang biktima batay sa tinamo nitong sugat.

Mag-isa lamang sa tindahan at walang kasama ang biktima nang mangyari ang insidente.

Naisugod pa siya sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery pero idineklara nang dead on arrival ng doktor. 

Sasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon kay Batangas police director P/Col. Glicerio Cansilao, alitan sa negosyo ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa krimen. 

Tinanggal naman ang pagnanakaw bilang motibo sa pamamaslang dahil nananatiling intact ang P300,000 na perang pagmamay ari ng biktima. 

Mayroon nang person of interest ang pulisya sa krimen pero tumanggi na muna silang pangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Iniimbestigahan na ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang loob ng tindahan ng negosyanteng si Jesus Co matapos matagpuan itong patay Linggo ng gabi (photo by BPPO)