2 KAWATAN NG MOTORSIKLO, TIMBUWANG SA OPLAN SITA 

frontpage online news - Angono Rizal Map

Ylou Dagos

Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang mga miyembro ng grupong nagnanakaw ng mga motorsiklo matapos na makipagbarilan sa mga pulis na nagmamando ng Oplan Sita  checkpoint sa Angono, Rizal Miyerkoles ng madaling araw.

Batay sa report ng Angono police, dakong alas 2:45 ng madaling araw nang parahin ng mga pulis ang mga suspek na magkaangkas sa isang kulay pula at puting motorsiklo sa ML Quezon Avenue Extension, Brgy. Mahabang Parang  dahil sa wala ang mga itong suot na mga helmet.

Subalit sa halip na huminto, pinasibad ng nagmamaneho ang motor patungo sa direksyon ng Binangonan.

Nagkaroon ng maiksing habulan mula sa checkpoint hanggang sa bahagi ng Madrigal Road, Brgy. Pantok, bayan ng  Binangonan kung saan sumemplang ang motorsiklo.

Subalit nang papalapit na ang mga awtoridad, pinaputukan ito ng mga suspek na tumama sa tagiliran ng mobile patrol at sa isang pulis na si PCpl Buelo.

Hindi naman nasugatan ang pulis dahil nakasuot ito ng bullet proof vest.

Gumanti ng putok  ang mga awtoridad na siyang agarang ikinamatay ng dalawang suspek.

Sa patuloy na imbestigasyon, napag-alaman na ang sinasakyang motorsiklo ng dalawa ay una ng naireport ng may ari nito na si Julian Khyle De Leon na nawawala at nanakaw habang nakaparada sa Hillsdale Summit Subdivision, Brgy. San Isidro, Angono noong Martes ng alas 3:00 ng hapon.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na suspek.