FACE TO FACE CLASSES NG MGA PAMPUBLIKONG PAARALANG  ELEMENTARYA SA LUCENA CITY, 100% NANG LUMARGA

Ylou Dagos

Nagbukas na para sa limited face to face classes ang lahat ng pampublikang paaralang elementarya sa Lucena City.

Nitong Abril 5, Martes, inihayag ni Lucena DEPED Schools Division Superintendent Dr. Hermogenes M. Panganiban ang pagsisimula ng progressive expansion ng limited-face-to-face.

Umaabot na ngayon sa 58 public schools at isang pribadong eskwelahan sa elementarya sa Lucena ang nagsasagawa na ng face to face classes.

Ito ay matapos makatugon ang mga eskwelahan sa mga ipinatutupad na interim guidelines na itinakda ng  Department of Education at sa pakikipag-ugnayan na rin sa local IATF.

Ayon pa rin kay Panganiban, bagama’t 100% na ang mga paaraalan, nanatili namang limitado ang bilang ng mga estudyante na pinayagang makapasok.

Ang pagpili anya sa mga papasok na estudyante ay batay sa ginawang assessment ng mga guro sa kanilang online at distance learning system.

Ang mga batang may kakayahang matuto sa pamamagitan ng kasalukuyang sistema  na distance learning at Self-Learning Modules  ay mananatili sa nasabing modalities.

Samantalang ang mga batang nangangailangan ng masusing pagtutok ng guro at ang mga estudyante na walang magulang o guardian na gumagabay sa modular learning system ay siyang priority na papasukin sa face to face clases.  Priority din ang mga kinder at grade 6 na estudyante.

Sa tala ng Lucena City  Deped, aabot sa 7,878 mga estudyante  at nasa  1,200 teaching and non-teaching personnel ang makakasangkot sa nasabing expansion ng  basic education classes ng lungsod.