VIRAL VIDEO NG 2 KANDIDATO SA CALAMBA KINUNDENA NG CHR

Ang kuha ng pagkandong ng isang kandidato sa Calamba sa isinagawang campaign rally (photo from Marites ng Calamba facebook)

Nicole C. Magmanlac

Viral ngayon sa social media ang video ng 6cyclemind front man at Cabuyao Councilor Tutii Caringal at Calamba Mayor Timmy Chipeco na kinakantahan at kumandong pa sa mga babaeng supporters sa kanilang campaign rally sa Calamba, Laguna.

Si Caringal ay tumatakbo bilang board member at si Chipeco naman ay kandidato bilang Kongresista.

Sa isang interview kay Atty. Twyla Rubin, Chief ng CHR Gender Equality and Women’s Human Rights Center, sinabi nito na kinukundina nila ang ginawa ng dalawang kandidato sa kanilang campaign rally dahil nakakabastos umano ito sa mga kababaihan. Ayon din kay Atty Rubin, ang pagkandong ng mga ito sa babae ay pagpapakita ng pang iinsulto at di pagbibigay respeto hindi lamang sa mga kababaihan pati na rin kanilang tinatakbuhang opisina.

Sinagot naman ni Caringal sa isang interview ang issue na ito at sinabi na “pure fun” lang daw ang nangyari duon sa video. Iginiit pa niya na kung may na-violate siya sa ginawa niya ay hindi magiging ganun ang reaksyon ng mga tao, maging ang babaeng kinandungan ni Caringal.

Sumagot din si Chipeco hinggil sa issue na ito at ayon sa kanya walang malisya ang insidente at wala umanong nabastos.

Magsasagawa naman ang CHR ng imbestigasyon hinggil sa naging aksyon ng mga kandidato sa campaign rally para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa paglabag ng mga ito sa Civil Service Rules.