NPA NA NUMBER 1 WANTED SA CALABARZON TIMBOG SA QUEZON

Sonny T. Mallari at Nicole Magmanlac

LUCENA CITY – Nasakote ng puwersa ng gubyerno nitong Huwebes sa islang-bayan ng Polillo sa lalawigan ng Quezon ang umano’y kasapi ng New People’s Army (NPA) at numero uno sa listahan ng mga wanted na kriminal sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Cavite) region.

Kinilala ni Colonel Joel Villanueva, Quezon police chief, ang nadakip na si Jesus Abetria alias “Ka Barry/Puti”, 60. 

Siya ang natimbog ng magkasanib na puwersa ng pulis at sundalo sa bisa ng warrant of arrest sa Barangay Salipsip pagkatapos ng halos walong taon na pagtatago sa batas.

Si Abetria ay nahaharap sa kasong murder sa Regional Trial Court Branch 172 sa Gumaca, Quezon noong pang May 3, 2021 at walang rekomendadong piyansa.

Batay sa report ng pulisya, si Abetria kasama ang apat pang NPA na hindi kinilala sa ulat ay inakusahan ng pagbaril at pagpatay kay Army Private First Class Alpasain Ikan sa Barangay San Vicente sa bayan ng Gumaca noong 2014.

Sa police report, si Abetria ay kaunahan din sa listahan ng mga wanted na kriminal sa Calabarzon region at may gantimpalang P100,000 sa kanyang paghuli.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Antonio Yarra, Police Regional Police 4A director, ang kapulisan sa Quezon na sangkot sa pagkakadakip kay Abetria.

“This apprehension is proof that PNP is not resting in its fight against the CTG (communist terrorist group) members,” ani ni Yarra sa press statement.

Nakakulong si Abetria sa Polillo police station.