S&R BRANCH SA LUCENA CITY ITATAYO NA

frontpage online news - Magkasama ang S&R executives at mga opisyales ng Lucena City government sa isinagawang ground-breaking ceremony para sa pagtatayo ng local branch sa kapitolyo ng lalawigan ng Quezon. (Litrato mula kay Arnel Avila, Lucena City PIO)
Magkasama ang S&R executives at mga opisyales ng Lucena City government sa isinagawang ground-breaking ceremony para sa pagtatayo ng local branch sa kapitolyo ng lalawigan ng Quezon. (Litrato mula kay Arnel Avila, Lucena City PIO)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Ang popular na S&R Membership Shopping club ay nagsagawa ng ground breaking sa siyudad na ito sa lalawigan ng Quezon para sa pagtatayo ng kanilang local branch.

“This will bring tremendous boost to the economy of the city aside from providing employment to the local workforce,” ito ang pahayag ni Mayor Roderick Alcala sa kanyang talumpati sa ground-breaking ceremony na ginanap sa Barangay Ibabang Dupay noong nakaraang Miyerkules ng tanghali.

Ang kaganapan ay dinaluhan ni Mr. Anthony Sy, S&R president, Mr. Tony See, S&R business development consultant, mga opisyales ng city hall, kinatawan mula sa iba’t ibang sektor at lokal na media.

Sa paliwanag ni Sy, bago sila magtayo ng S&R branch sa isang lugar ay kinakailangang pumasa muna ito sa mga inilatag nilang “check marks”.

Ngunit batay aniya sa resulta ng kanyang unang pagtungo sa lungsod at inisyal na pakikipag-usap sa mga opisyales ng pamahalaang panglunsod, “that first meeting already assured us that this will be a correct decision for us”.

“With the warm welcome you have given us to this community, I’m sure this would be a very, very successful S&R for us,” ang sinabi ni Sy sa kanyang talumpati.

Ayon kay Alcala, ang pagtatayo ng local S&R branch sa Lucena ay matagal nang nasa plano. Ngunit naantala lang ang pagsisimula nito dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang local S&R branch ay pinagkalooban ng city hall ng limang taong tax exemption sa pagsisimula ng kanilang operasyon.

Ang lokal na sangay na ika-24 sa buong bansa ay may building area na 8,700 square meters at inaasahang matatapos ang konstruksyon sa loob ng 18 buwan.

Ito ay itatayo katabi ng Lucena grand central transportation terminal na matatagpuan sa tabi ng diversion road, ang pangunahing kalsada para sa mga bumibiyahe ng Manila-Bicol.

Inaasahang dadagsain ang local S&R branch ng maraming mamimili mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan gayundin ng mga residente mula sa isla ng Marinduque at Romblon.

Ayon kay Mark Alcala, anak ni Roderick at isa sa kanyang executive assistant, ang pagtatayo ng S&R branch ay pagsisimula ng ibayo pang pag-unlad ng ekonomiya sa siyudad na binansagan ngayong “Boom Lucena!” 

“More investments will follow,” ang pagtitiyak pa ni Mark.

Ayon pa kay Mark, nalalapit na rin ang pagsisimula ng konstruksyon ng Megaworld township project gayundin ang pagbubukas ng De La Salle Medical School sa Lucena,

“Our ultimate goal here is to provide opportunities that will create good life for the people of Lucena,” ang pagbibigay diin ni Mark, na kumakandidatong city mayor kapalit ni Roderick, sa darating na eleksyon. Si Roderick naman ay kandidatong vice mayor.