BULKANG TAAL IBINABA NA SA ALERT LEVEL 2

Photo by Marlon Luistro

Marlon Luistro

Matapos ang dalawang linggo ay ibinaba na ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal sa Batangas.

Sa inilabas na bulletin kaninang alas-8 ng umaga, sinabi ng PHIVOLCS na kasunod ng phreatomagmatic eruption na unang naitala noong March 26 at anim na mahinang phreatomagmatic bursts noong March 31 ay humina aniya ang pag-aalburoto ng bulkan.

Sa nakalipas na dalawang linggo ay nagkaroon aniya ng malaking pagbaba sa volcanic degassing mula sa main crater ng bulkan gayundin sa insidente ng volcanic earthquakes.

Bumaba na rin ang naitatalang lebel ng sulfur dioxide sa bulkan mula sa 21,211 tons kada araw noong unang tatlong linggo ng Marso patungo sa 240 tons kada araw na lamang noong April 8 na siyang pinakamababang naitala simula noong nakaraang taon. Kung pagbabatayan aniya ang huling volcanic gas emissions ay lumalabas na ang mababa ang potensyal na pagsabok ng bulkan.

March 26 nang unang itaas sa Alert Level 3 ang Bulkan dahilan para ilikas ang nasa mahigit 3000 pamilya na katumbas ay higit 8,000 indibidwal. Karamihan sa kanilay mula sa Barangay Bilibinwang at Banyaga sa Agoncillo at Boso-Boso, Gulod at silangang bahagi ng Bugaan East sa karatig-bayan ng Laurel, na naunang nirekomenda ng PHIVOLCS na lumikas kasunod ng naganap na phreatomagmatic eruption ng bulkan, na sinamahan ng mga paglindol.

Sa ilalim ng Alert Level 2, naroon pa rin ang banta ng steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas.

Patuloy pa ring pinaalalahanan ang publiko na bawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone lalong lalo na sa may gawi ng Main Crater at Daang Kastila fissure pati na ang paninirahan at pamamangka sa Lawa ng Taal.

Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal sakali mang magkaroon muli ng panibagong  pag-aalburoto ng bulklan.

Habang ang mga may katungkulan naman sa civil aviation ay nararapat aniyang mag abiso sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa mga naglipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan.