MAGKAKAPATID NA GUN FOR HIRE ARESTADO SA TIAONG QUEZON

Photo from PRO4A

Mary Rose Isla

Arestado ang anim na kalalakihan kabilang ang 3 magkakapatid na umano’y gun for hire at drug personalities sa Tiaong, Quezon  Sabado ng umaga.

Kinilala ni CALARZON Police Regional Director BGen. Antonio C Yarra ang mga naaresto na sina Teodoro Aquino Satumba, 34, residente ng Brgy. Del Rosario, Tiaong, Quezon; Lorenzo Aquino Satumba, 43, magsasaka, residente ng Sitio Ibaba, Brgy. Cabay, Tiaong, Quezon at Abelardo Aquino Satumba, 47, magsasaka, residente ng Brgy. Cabay, Tiaong, Quezon.

Ayon sa report, nahulihan si Teodoro ng walang lisensyang 9mm pistol na may magazine at 6 na bala. Kalibre .45 naman na may 9 na bala ang nakita sa bahay ni Lorenzo.

Nakuha naman kay Abelardo ang kalibre .38 revolver na may 4 na bala, .30 caliber Carbine rifle with sling at may 2 magazine, kalibre .45 na may 5 bala, stabilizer, dalawang spring para sa kalibre .45, cleaning kit at holster. Narekober din mula sa kanya ang  isang granada at 2 sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Tatlong kalalakihan naman ang nahuli sa akto ng pagtitimbang ng 19 na sachet ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 95 gramo. Nagkakahalaga ito ng higit kumulang 2 milyong piso.

Kinilala ang mga ito na sina John Mark M. Salumba, pamangkin ng 3 naarestong nagkakapatid, Jordan E. Bañez, at Christian G. Comia.

Kakasuhan ang tatlong magkakapatid ng Violation of RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to COMELEC Resolution No. 10728 and RA 9165.

Si Abelardo naman, kasama ang 3 pang nahulihan ng illegal na droga at sasampahan rin ng kasong Violation of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.