PLANONG PAGLIPAT NG CITY HALL NG LIPA, DI ITUTULOY NI SABILI

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sakaling palaring mahalal bilang mayor ng Lipa ay hindi muna itutuloy ni dating mayor Meynard Sabili ang planong paglipat ng city hall nito sa Barangay Bulacnin.

“Ngayon may plano silang ilipat ang city hall sa Bulacnin. Hindi ko po iyon kakatigan at hindi ko po iyon iimplement although nag groundbreaking na po sila,” ani Sabili sa kanyang talumpati sa isinagawang miting de avance ng Partido ng Masang Lipenyo sa Barangay Tambo.

“Kung ako ang magiging alkalde ipopostpone ko muna at ang perang gagastusin doon ay ibibigay ko na laang sa inyo at matutuwa pa tayo di ga,” dagdag niya, na umani ng palakpak sa kanyang mga tagasuporta. 

Si Sabili, na dating nanilbihan bilang mayor ng Lipa sa loob ng siyam na taon, ay muling kumakandidatong mayor sa ilalim ng Partido ng Masang Lipenyo laban sa kasalukuyang mayor ng lungsod na si Mayor Eric Africa at Retired Gen. Nestor Sanares.

Ika-18 ng Marso nang magsagawa ng ground breaking ceremonies ang pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Eric Africa para sa pagtatayo ng P1.2 bilyong halagang bagong city hall building sa Barangay Bulacnin. 

Ang apat na palapag na bagong gusali, na may floor area na limang ektarya ay nakapaloob sa siyam na ektaryang lupaing idinonate ng Ayala Land sa lungsod. 

Inaasahang matatapos sa loob ng tatlong taon ang nasabing gusali, na ayon kay Africa ay itinayo para makapag-akomoda ng mas maraming tao at sasakyan kumpara sa kasalukuyang city hall building sa Marawoy. 

Hindi gigibain ang kasalukuyang city hall building at sa halip ay magsisilbing tanggapan ito ng Mayor’s Action Center, City Health Office, Community Affairs Office at City Social Welfare and Development Office, ayon kay Africa.