ALITAN NG MAGKABARANGAY TINAPOS SA PANANAMBANG

frontpage online news - Padre Garcia Map

Ylou Dagos

Patay ang isang driver matapos na ito ay tadtarin ng bala ng kanyang nakaalitang kabarangay habang sakay sa motorsiklo sa Padre Garcia, Batangas Lunes ng umaga.

Kinilala ng Padre Garcia police ang biktima na si Sherwin Solis, 30 anyos, taga Barangay Pansol.

Batay sa report ng pulisya, dakong 6:15 ng umaga, sakay ng motorsiklo ang biktima at susunduin  ang  kanyang misis sa bahay  at ihahatid sa trabaho nang tambangan at pagbabarilin ito ng anim na beses ng  suspek na si Ryan Tapalla, alyas Pangulo, hindi na kalayuan sa kanilang bahay.

Nagtamo ito ng mga tama sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at namatay noon din.

Mabilis namang tumakas ang suspek na sumakay ng kanyang tricycle patungo sa direksyon ng bayan ng San Antonio, Quezon.

Ayon kay Padre Garcia police chief, PCPT Eduardo  Timbol, matagal na alitan ng dalawa ang motibo sa krimen.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nahaharap sa kasong murder.