MAGKAANGKAS  NA 2 ESTUDYANTE , PISAK SA GULONG NG TANKER TRUCK

Ylou Dagos

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng dalawang binatang estudyante matapos na ang mga ito ay magulungan ng gulong ng tanker truck  nang matumba ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa national road,  Brgy. San Isidro, Batangas City Lunes ng gabi.

Kinilala ng Batangas City police ang mga nasawi na sina Jade Marlou Careloria  at Harry Gaila, kapwa 19 anyos at parehong residente ng Barangay Cuta.

Batay sa report ng Batangas City police, bandang alas 7:40 ng gabi, minamaneho ng estudyante at service crew na si  Careloria   ang isang Suzuki Smash 110 motorcycle at tinatahak ang national road patungo sa direksyon ng Brgy. Libjo, Batangas nang pagsapit nito sa Barangay San Isidro ay mawalan ito ng kontrol sa manibela habang  nagtatangkang mag-overtake sa  sinusundang truck.

Nagpagewang-gewang at natumba ang motorsiklo at tumama sa kanang gulong ng sinusundang tanker trailer truck na minamaneho ng 56 anyos na si Ricardo Cansino ng Brgy. Sipat, Plaridel Bulacan.

Napasuot ang dalawang biktima sa ilalim ng truck at nagulungan ng huling kanang gulong nito.

Sa tindi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan, kapwa agad namatay ang dalawang biktima.

Inaresto naman ng mga pulis ang driver ng truck.