MGA EVACUEES NG BULKANG TAAL, NAKAUWI NA

Photo from BPPO

Nicole Urbano

Pinayagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan ang nasa 695 pamilya o 2,353 na mga indibidwal sa bayan ng Agoncillo at 480 pamilya o 1,683 na indibidwal sa bayan naman ng Laurel noong sabado, April 9, 2022.

Ito ay matapos ibaba ng PHIVOLCS ang alert level ng bulkan sa level 2 mula sa level 3

dahil umano sa pagbaba ng bilang ng volcanic earthquakes, paghina nang pagsingaw ng gas at marahang pag-impis ng bulkan.

Ayon sa ulat ni PCol. Glicerio C. Cansilao, Provincial Director ng Batangas PPO, ang mga kapulisan kasama na ang iba pang mga ahensya ay nagbigay ng seguridad at assistance sa mahigit apat na libong indibidwal mula sa Laurel at Agoncillo, Batangas sa kanilang muling pagbalik sa mga tahanan.

Paaalala naman ni PRO Calabarzon Regional Director PBGen. Antonio C. Yarra, bagama’t binaba na sa Alert Level 2  ang bulkan ay patuloy pa ring maging handa at maging mapagmatyag sa lahat ng oras.

Dagdag pa niya, ugaliin pa rin ang pagsunod sa mga alituntunin  at abiso ng awtoridad nang sa gayon ay masiguro ang kaligtasan ng lahat.