NAKAINOM NA RIDER DEDO SA POSTE NG KURYENTE

Ylou Dagos

Isa na namang rider ang buwis-buhay nang ang minamaneho nitong motorsiklo ay sumalpok sa poste ng koryente sa Tiaong, Quezon. 

Kinilala ng Tiaong police ang biktima na si Joseph Almazan, 25 anyos, residente ng Barangay Talisay.

Batay sa report ng Tiaong police nitong Lunes, dakong alas  8:45 ng Linggo ng gabi nang umalis sa kanilang bahay ang biktima sakay ng motorsiklo para sunduin ang kapatid sa highway.

Nakakainom umano ito ng alak nang sumakay sa motorsiklo at tinahak ang barangay road.

Subalit makalipas ang ilang oras, dumating na sa bahay ang kapatid na hindi kasama ang  nawawalang biktima.

Nang tuntunin, nadiskubre na nakabulagta ito sa gilid ng barangay road at wala ng buhay.

Paniwala ang mga kaanak na aksidenteng sumalpok ang motorsiklo sa poste ng Meralco sa gilid ng barangay road na naging  sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.

Wala ring nakikitang foul play ang mga kaanak sa pangyayari.