TANAUAN BAYWALK, LAKESHORE AREA, BUKAS NA MULI SA PUBLIKO

Photo from Tanauan CAO

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Bukas na muli sa publiko ang Tanauan Baywalk at Lakeshore area simula ika-10 ng Abril.

Yan ay matapos na alisin ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Sweet Halili ang temporary closure ng nasabing lugar kasunod ng pagbababa sa Alert Level ng Bulkang Taal mula Level 3 patungong Level 2.

Gayunman ay may mahigpit na tagubilin ang lokal na gobyerno para sa mga magtutungo sa lugar. Kabilang na rito ang pagsunod sa minimum public health standards ng physical distancing at pagsusuot ng face mask na itinatakda sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1.

Kasunod din ng pagkakadetect ng arsenic contamination sa tubig ng Taal Lake ay pinaalalahanan din ang publikong iwasang uminom o kumuha ng tubig sa lawa dahil hindi ito ligtas.

Pinapayuhan din ang mga taong limitahan ang oras ng panliligo o paglubog sa tubig ng lawa dahil ang matagal na exposure ay mapanganib aniya sa kalusugan.

Dapat din aniyang tiyaking magshower o maligo matapos na lumangoy sa Taal Lake.

Habang nasa Alert Level 2 ang Bulkang Taal ay pinaalalahanan din ang taumbayan na manatiling alerto dahil hindi ibig sabihing nasa Alert Level 2 ay tiyak na ligtas na. Hindi aniya pinapayuhan ang paglalakbay at pagbisita sa Napayong Island.

Para naman sa mga floating cottage operators, ang distansya ng paglalakbay ay kinakailangan aniyang maging limitado sa hanggang 200 metro mula sa lakeshore at tiyaking mayroong sapat na bilang ng lifevests para sa kada indibidwal na iaakomoda sa kasagsagan ng trip.

Ayon naman kay Casiano Saniano, chief of staff ni Mayor Halili, sakali namang muling iakyat sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ay muli na namang ipatutupad ang temporary closure ng Tanauan Baywalk at Lakeshore areas.