“KAMAY NI HESUS” SHRINE SA QUEZON MULING BINUKSAN SA HOLY WEEK

Sonny T. Mallari

LUCBAN, Quezon – Muling binuksan ngayong Semana Santa ang popular na “Kamay ni Hesus” (KNH) sa bayang ito sa paanan ng Mount Banahaw pagkalipas ng dalawang taon.

“Handang-handa na muli ang KNH upang salubungin ang mga deboto at Lenten pilgrims,” ang pahayag ni Fr. Joey Faller, ang bantog na “healing priest” at administrador ng KNH shrine, sa panayam ng Frontpage.

Dagdag pa ng pari: “Inaasahan ko na ang muling pagbubukas ng shrine. Matagal ko itong ipinagdasal at hiniling sa Panginoong Diyos”.

Tuwing Semana Santa noong hindi pa pumuputok ang COVID-19 pandemic, dinadagsa ang pitong ektaryang KNH complex sa Barangay Tinamnam ng mga debotong Katoliko mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Subalit nitong Semana Santa ng taong 2020 at 2021, isinara ang KNH upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng regulasyon sa community quarantine ng nasyunal at lokal na pamahalaan.

Ayon kay Faller, sa muling pagbubukas ng gate ng KNH ay inaasahan niya ang pagdating ng mahigit na dalawang milyong deboto sa buong Holy Week.

Noong bago magpandemya, umaabot sa tatlong milyong deboto ang dumadagsa sa KNH sa buong Holy Week, batay sa record ng lokal na pulisya.

Ang bayan ng Lucban, Lucena City, Tayabas City at walo pang munisipalidad sa lalawigan ng Quezon ay nasa ilalim ng alert level 1

Noong wala pang COVID-19 pandemic, dinadayo ng mga Katolikong deboto tuwing Holy Week ang bantog na “Kamay ni Hesus” shrine sa bayan ng Lucban, Quezon. Umaakyat sila sa 300-konkretong baytang na tinatawag na “Stairway to Heaven” patungo sa itaas ng burol na kinatatayuan ng 50-foot statue ng “Resurrected Christ”. (Litrato ni Sonny T. Mallari)

“No vacs, no entry”

Ngunit mahigpit na ipapatupad ng KNH ang pagbabawal sa pagpasok ng complex ang sinumang walang full vaccination card na may edad 18 anyos at pataas.

 “No vaccination card, no entry. They should be ready to present their vaccination card to the guards and volunteers at the gate. The card is a must even without a booster shot,” ang pagbibigay diin ni Faller.

Ang guwardya sa gate ay magsasagawa ng “random checks” sa mga papasok upang malaman kung sino ang walang vaccination card. Ngunit niliwanag ni Faller na hindi kailangang magpakita ng vaccination card ang sinuman na may edad 18 anyos at pababa.

Si Faller ay nagkaroon ng COVID-19 infection noong June 2021. Ilan din sa mga staff at workers ng KNH ay kinapitan din ng coronavirus noong kasagsagan ng pagkalat nito sa nakalipas ng dalawang taon.

Ayon pa kay Faller, nagsagawa sila ng paghahanda sa KNH shrine nitong nakalipas na tatlong buwan para sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto ngayong Semana Santa.

“Pinagplanuhan talaga namin ito. Ang mga tao ay buryong na buryong na. Kailangan nilang ilabas at irecharge ang kanilang faith,” ang sinabi pa ng pari.

Kasama sa kanilang ginawang preparasyon ang malawakang paglilinis, pagpipintura, paglalagay ng mga bagong signages sa mga istratehikong lugar at pakikipag-pulong sa lokal na awtoridad at kapulisan.

Isa sa mga popular na dinadayo ng mga deboto sa KNH ay ang pag-akyat sa 300-konkretong baytang na kung tawagin ay “Stairway to Heaven” upang marating ang 50-foot statue ng “Resurrected Christ” sa itaas ng burol.