SIMULATION EXERCISE ISINAGAWA NG BATANGAS CITY PNP

Photo: Palakat Batangas City

Mary Rose Isla

Nagsagawa ng simulation exercise ang Batangas City Philippine National Police kung saan isang robbery with homicide incident ang eksena na naganap sa national road sa barangay Sampaga, ika- 12 ng Abril, 2022.

Ayon sa panayam kay Police Major Ericson Go, Deputy Chief of Police ng Batangas City PNP, ang nasabing gawain ay naglalayon na maging handa ang mga kapulisan at ang mga opisyales ng barangay kung sakaling magkaroon ng naturang scenario sa lungsod.

Aniya, pagkakataon din ito upang maipamalas ng mga opisyales at mga force multiplier ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa krimen.

Sa simualtion exercise, nabaril at napatay ng riding in tandem ang isang junk shop owner.

Nagkaroon ng surveillance ang kapulisan sa lugar noong araw na iyon at nang marinig nila ang putok ng baril, agad nilang sinundan ang mga suspects nang makita nilang patakas ang mga ito.

Nagsagawa agad ng dragnet operation at matagumpay na nahuli ang mga suspects.

Ayon kay Go nakipag-ugnayan muna sila sa Tactical Command Center ng lalawigan, sa lokal na pamahalaan, barangay at sa ibat-ibang konsernadong tanggapan bago isinagawa ang operasyon.