3 PATAY, 3 SUGATAN MATAPOS ARARUHIN NG KOTSE SA BATANGAS

Photo: Ibaan PNP

Ibaan, Batangas – Patay ang isang ama at dalawa nitong mga anak habang tatlo pang mga kaanak ang nasugatan matapos na araruhin ng kotse sa bayang ito Sabado ng madaling araw.

Ayon sa Ibaan police, namatay sa aksidente si Joselito Bayos, Jr.,43 ama at mga anak nitong sila John Ivan,19 at Jeremy Bayos,16.

Habang sugatan naman ang mga kaanak nilang si Josephine Bayos,43,  Princess Tjaon, 21 at isang 17 anyos na binata na pawang mga residente ng Antipolo City, Rizal.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing sa family outing ang mga biktima nang ma-flat ang gulong ng kanilang jeep sa kahabaan ng national highway sa Barangay Matala bandang ala-1:35 ng madaling araw. 

Nagpapa-vulcanize ng gulong ang mga biktima nang bigla nalang silang mahagip ng rumaragasang kotse na minamaneho ni John Erick Berberabe. 

Ayon sa pulisya nasa impluwensiya umano ng alak si Berberabe na nooy patungo sa Rosario, Batangas nang mangyari ang aksidente.

Nagtamo ng sugat sa kanyang noo si Berberabe at kasalukuyang nakakulong na sa Ibaan Police Station. 

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Multiple Serious Physical Injuries si Berberabe. 

Wala pa siyang pahayag sa insidente.