JEEP SUMIRKO SA KURBADA SA TANAY,  RIZAL,  3 PATAY,  17 SUGATAN

(Photo: Tanay MDRRMO)

Ylou Dagos

Tatlo ang patay habang 17 ang sugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa kurbadang bahagi ng kalsada sa bulubunduking bahagi ng Barangay Daraitan,  Tanay,  Rizal Linggo ng umaga. 

Ayon sa report ng Tanay police,  bandang alas 5:00 ng umaga,  tinatahak ng jeep na may 27 sakay kabilang ang pitong bata, ang matarik na bahagi ng Makaira- Daraitan road sakop ng Sityo Alas-Asin nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Noe Butor. 

Bumaligtad ang jeep bago ito tumama sa poste ng Meralco na nasa gilid ng highway. 

(Photo: Tanay MDRRMO)

Agad nasawi ang mga sakay na sina  Manuel Peralta at ang 4 na buwang sanggol na si Maximo Legazpi at isang alyas Butor. 

17 pa sa mga pasahero ang isinugod sa Tanay General Hospital ng mga rescuer ng Tanay MDRRMO,  Tanay PNP at mga tauhan ng AFP 80th IB. 

Kritikal din ang driver ng jeep na si Noe Butor. 

Sugatan din ang isang nanay ng nasawing bata na si Caleen Camingawan Prestado at ang live in partner nito na si Mario Legazpi at ang kanilang 4 pang anak na pawang ginagamot sa Ospital ng Makati (OSMAK).

Nagtulong tulong ang mga rescuer na iligtas ang mga biktima ng tumagilid na jeep sa tanay rizal (Photo: Tanay MDRRMO)

Napag-alaman na galing sa West Rembo, Makati ang magkakanak na mga biktima at patungo sa family outing sa Daraitan falls nang mangyari ang aksidente. 

Ayon sa mga awtoridad, mahinang preno at mechanical error ng sasakyan na sinabayan pa ng driver error ang sinasabing dahilan ng aksidente.